Nagsuka, nagdugo ang utak.. Grade 5, maingay, sinampal ni titser, patay
- BULGAR

- Oct 4, 2023
- 1 min read
ni Benjamin Chavez / Levi Gonzales @News | October 4, 2023

Nagsuka at sumakit ang ulo at mata ng estudyanteng sinampal umano ng kanyang guro sa Antipolo at namatay ilang araw matapos ang insidente.
Sa pahayag ni Elena Minggoy, ina ng Grade 5 student na si Francis Jay Gumikib, nagsumbong sa kanya ang anak matapos ang umano'y pananampal ng guro sa Peñafrancia Elementary School.
Ayon sa ulat, nasampal ang 14-anyos dahil umano sa pag-iingay pero ayon sa ina, "hindi naman siya kasama sa maingay kasi nagte-test siya, nagsumbong lang po siya". "Noong binalikan siya ni teacher, hinatak siya sa kuwelyo ng uniform tapos sinabunutan po.
Pagkatapos ng sabunot, sinampal po siya," dagdag ng ginang.
“Tapos nagkuwento 'yung anak ko noong sinampal siya, 'Ma, para akong nabingi sa sampal ma. Sabi ng anak ko, 'Ang sakit ng tainga ko, Ma.'"
Nang tanungin kung malakas ang umano'y pagsampal ng guro, sabi ni Minggoy, "Hindi po magsusumbong nang paulit-ulit kung hindi malakas 'yon." Isang beses lang umanong sinampal ang kanyang anak.
Nakapasok pa umano ng 3 araw ang bata pero, pag-uwi nito mula sa paaralan noong Martes, Setyembre 26, bigla na lang umano itong nagsuka, nahilo at nakaramdam ng pananakit ng ulo.
Dinala sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima at na-comatose ito hanggang sa binawian ng buhay.
Ayon sa doktor, may nangyaring pagdurugo sa utak ng bata.
Samantala, nakipag-ugnayan na umano sa pamilya ang Department of Education matapos ang umano'y pananampal ng guro.
Bumuo na ng fact-finding investigation team ang Department of Education- Antipolo, para alamin ang pangyayari.
Depensa naman teacher sa mga pulis, hindi niya sinampal ang bata kundi tinapik lang ang pisngi.




Comments