Nagsibak na rin lang ng tauhan si P-BBM, dapat isunod mga taga-DOE at ERC na pahirap sa taumbayan!
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 15, 2024
SIBAKIN ANG MGA OPISYAL NG DOE AT ERC NA NAGPAPAHIRAP SA MAMAMAYAN -- Nagkaroon na naman ng dagdag-presyong P1 sa kada litro ng diesel, P0.40 sa kada litro ng gasolina at P0.90 sa kada litro ng kerosene.
Tutal, nagsisibak na rin lang si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ng mga opisyal ng pamahalaan, sana tanggalin na rin niya ang mga opisyal ng Dept. of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na nagpapahirap sa mamamayan kasi walang inatupag ang mga ito kundi iaprub nang iaprub ang hirit na oil price hike ng mga kumpanya ng langis, period!
◘◘◘
DAMING TRAPO ANG PUMURI KAY FINANCE SEC. RALPH RECTO --Sangkataterbang papuri ang tinanggap ni Sec. Ralph Recto mataoos na italaga siya ni P-BBM bilang kalihim ng Dept. of Finance (DOF) kapalit ng sinibak na si ex-Sec. Benjamin Diokno.
Siyanga pala, dahil si Ralph Recto ay dating kongresista at dating senador, ang mga papuring kanyang tinanggap ay mula sa mga kapwa niya trapo (traditional politician), boom!
◘◘◘
SANA TULARAN NG IBANG GOBERNADOR SI GOV. DANIEL FERNANDO NA MAY MONTHLY ‘PEOPLE’S DAY’ SA BULACAN -- Sa mga gobernador sa bansa, bukod tangi si Bulacan Gov. Daniel Fernando na may buwanang “People’s Day” o pagbibigay tulong sa mga kapus-palad niyang kababayan.
Sana all ng governor ay tulad ni Gov. Fernando, kasi sa totoo lang, ang sistema ng iba ay tuwing panahon lang ng eleksyon tumutulong sa kapwa, at kapag naluklok na, dedma na sa hinaing ng mga mahihirap nilang mga kababayan, period!
◘◘◘
DAPAT TOKHANGIN NG LAGUNA PNP AT PDEA SI ALYAS ‘TOCE’ NA MAY MGA KUBRADOR NG UMANO’Y SHABU -- May impormasyon na ang mga kubrador daw ni alyas “Toce” sa kanyang raket na lotteng at bookies sa Laguna, ay mga drug pusher din daw ng shabu.
Dapat magtulungan ang Laguna Provincial Police Office (PPO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pag-“tokhang” kay “Toce” para matigil na ang mga ganitong uri ng kanyang raket sa Laguna, boom!





Comments