Nagpupunta sa mga binaha – Castro... Gov't. off'cls, naka-branded na damit, oks lang
- BULGAR

- 24 hours ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | September 2, 2026

Photo: Nasa larawan sina Atty. Claire Castro, Pampanga Governor Lilia Pineda at anak na si Vice Governor Dennis Pineda - PCO / NIA Region III - Central Luzon
Iginiit ng Malacañang na hindi nasusukat sa mamahaling kasuotan ang tunay na serbisyo ng isang opisyal, ngunit dapat pa ring maging sensitibo sa mga biktima ng kalamidad.
Ginawa ni Castro ang reaksyon matapos umani ng batikos sina Pampanga Governor Lilia Pineda at anak nitong si Vice Governor Dennis Pineda dahil sa umano’y pagsusuot ng designer na damit habang umiikot sa mga lugar na sinalanta ng baha.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, wala umanong direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa isyu.
“Wala, kasi walang mensahe ang Pangulo patungkol diyan. Ang pagseserbisyo po ay hindi po nakikita sa damit, nakikita po ito sa gawa, nakikita po ito kung visible ba iyong mga leaders at nandidiyan sila para tumulong. Maybe, ang sasabihin ng iba, bakit designer clothes pa ang suot,” wika ni Castro sa Palace briefing.
Aniya, mas mahalagang tingnan kung tunay na nakatutulong ang isang lider kaysa sa pananamit nito.
“But sabi nga natin, hindi po nakikita ang pagtulong, ang serbisyong totoo sa damit ng isang lider. Mas maganda po, mayroon pong mga iba, napakasimple ng dating, t-shirt, pants, iyong iba nagpapaulan pa, pero wala namang natutulong. So, mas maganda po na tingnan ang lider sa trabaho, sa gawa, hindi po sa damit,” paliwanag ni Castro.
Nang tanungin tungkol sa batas na nag-uutos sa mga opisyal ng pamahalaan na mamuhay nang simple at naaayon sa kanilang katungkulan at kita, sinabi ni Castro na naniniwala siyang batid ng mga opisyal ang tamang asal sa pakikisalamuha sa publiko.
“Hindi natin alam kung ang pagsusuot ng branded na iyan ay mura na sa kanila. So, depende, depende sa kanila, baka iyan ay—kung sa atin na ordinaryong tao ay napakamahal, baka sa kanila ay mura lang iyan, dahil iyan ang kanilang nakagawian,” hirit ni Castro.
Gayunman, iginiit ng Palasyo na dapat pa rin isaalang-alang ng mga lingkod-bayan ang damdamin ng mga mamamayang dumaranas ng paghihirap.





Comments