Nagpiyansa ng P40K — abogado.. Mon Tulfo, pansamantalang nakalaya

ni Lolet Abania | May 19, 2022

Pinalaya pansamantala ang brodkaster at kolumnistang si Ramon “Mon” Tulfo matapos na arestuhin nitong Miyerkules dahil sa cyber libel case na isinampa laban sa kanya.
Sa phone interview, sinabi ni Atty. Oscar Sahagun na pasado alas-4:00 ng hapon ngayong Huwebes lumabas si Tulfo sa kanyang pagkaka-detain. “Mabuti naman, nakalaya na si Mon. Siguro mga past 4 na. Oo, nag-bail. Tinaasan ni judge… ‘yung [piyansa] P10,000, ginawang P40,000. Dito sa Branch 24, ginawang kuwarenta kasi nag-motion ‘yung abogado ni (dating Justice) Secretary (Vitaliano) Aguirre.
Taasan daw, so ginawa niyang kuwarenta,” pahayag ni Sahagun. Ayon kay Sahagun, inihirit ng kampo ni Aguirre na maitaas sa P40,000 ang piyansa ni Tulfo dahil sa hindi nito pagdalo sa mga naunang nakaiskedyul na pagdinig. Subalit, paliwanag ni Tulfo ayon din sa kanyang abogado, wala sila umanong natanggap na notice mula sa korte.
Nakatakda namang magkaroon ng hearing sa naturang kaso para sa pre-trial sa Lunes ng umaga. Sinabi pa ni Sahagun, mabuti ang kalagayan ni Tulfo habang nakauwi na ito sa kanilang tirahan.
Naaresto si Tulfo sa bisa ng arrest warrant na inilabas sa sala ni Judge Maria Victoria Soriano-Villadolid ng Manila RTC Branch 24 dahil sa umano’y paglabag nito sa Section 4 (c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nag-ugat ang cyber libel case mula sa kanyang column sa diyaryo, kung saan inakusahan ni Tulfo si Aguirre na umano’y protektor ng mga sindikatong nasa likod ng tinaguriang “pastillas” scam sa NAIA, na mariing itinanggi noon ng dating kalihim.





Comments