Nagpasaklolo na sa DOH... 2 ospital sa Samar, umaapaw sa pasyente

ni Mylene Alfonso @News | October 26, 2026

Photo:Samar Provincial Hospital / FIle
Nananawagan ang Calbayog District Hospital at Samar Provincial Hospital kay Department of Health (DOH) Secretary Edwin Mercado ng agarang tulong upang matugunan ang matinding pagsisikip at kakulangan sa pasilidad, medical personnel, at kagamitan.
Batay sa magkahiwalay na ulat noong Oktubre 19, kapwa lumampas sa awtorisadong kapasidad ang bilang ng mga pasyente sa dalawang ospital.
Sa Calbayog District Hospital, umabot sa 181 ang mga naka-confine na pasyente kahit 75 kama lamang ang kapasidad nito, o 241 porsiyento. Nakapagtala rin ito ng 58 bagong admission at 238 outpatient consultation noong Oktubre 19.
Ayon kay Dr. Jonathan Gabriel J. Paquit, Chief ng Calbayog District Hospital, patuloy na tumataas ang bilang ng mga pasyenteng tinatanggap mula sa Calbayog City at dalawang Inter-Local Health Zone.
Samantala, umaabot sa 200 hanggang 250 pasyente ang tinatanggap ng Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City, kahit 100 kama lamang ang awtorisadong kapasidad nito.
Ayon kay Dr. Jansenn Y. Mutya, OIC-Chief ng Samar Provincial Hospital, nagdudulot ito ng pagsisikip sa emergency room at pagkaantala sa paglilipat ng mga pasyente sa mga ward.
Humihingi rin ang ospital ng suporta upang mai-upgrade mula Level 1 tungo sa Level 2, magkaroon ng Level 3 clinical laboratory, at makapagbukas ng Intensive Care Unit (ICU).
Kapwa humihiling ang dalawang ospital ng karagdagang kama, doktor, nars,
kagamitang medikal, pondo, at teknikal na tulong mula sa DOH upang mapalawak ang kanilang kapasidad at mapahusay ang serbisyo.
Naisumite na ang mga ulat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Samar para sa kaukulang aksyon at pakikipag-ugnayan sa DOH.





Comments