ni Nitz Miralles @Bida | Nov. 4, 2024
Natutuwa ang mga fans ni Kris Aquino dahil medyo active siya sa social media ngayon mula nang makabalik siya from the States.
Nababasa ang pangalan niya na nagla-like sa post ng mga kaibigan. Ibig daw sabihin noon, may time na siya na bisitahin ang Instagram (IG) account ng mga friends niya.
Sa post nga ni Pokwang na ibinida ang maraming orders sa online food business niyang Mamang Pokwang’s Gourmet, may comment si Kris.
Sey kasi ni Pokwang, “Busy ang Mamang, daming order. Salamat po.”
Binanggit nito ang puwedeng i-order na ginarantisado nitong masarap at fresh.
Nag-comment si Kris ng, “Pa-order po.”
Sumagot si Pokwang, “@krisaquino ako na magdadala kung okey lang sa ‘yo, Ganda. Gift ko na sa ‘yo, miss na kita.”
Kung sumagot man si Kris kay Pokwang, in private na lang siguro at kung anuman ang in-order ni Kris, tiyak na lahat ng product ng Mamang Pokwang’s Gourmet ay dadalhin ni Pokwang kay Kris.
Speaking of Kris, wala pa siyang bagong update at ang last update nito ay ang sinabi kay Dindo Balares na, “I will definitely be back.”
Gusto raw nitong sumali sa relief. Kaya sey ni Kris, “Please say that, please. Let me get my health okay and the matulungin Kris will definitely be back. I just need to start working para may pang-share.”
SA November 8, 2024 na ang Ice Seguerra Videoke Hits OPM Edition Isa Pa! na third repeat na ng hit concert ni Ice Seguerra sa Music Museum. Kapag naging successful pa rin ang repeat, tiyak na may susunod pa.
Paano hihindian ng Fire and Ice Media kung maraming requests from the audience? Ang iba niyan, baka umuulit manood dahil nag-enjoy the first time they watched the concert.
Hindi naitanong kay Ice kung kasama pa rin sa repertoire niya ang songs ng SB19 na Gento at song ng BINI (hindi nabanggit ni Ice kung alin sa mga songs nila). Tsika nito sa presscon, hingal-kabayo siya nang gawin ang number na ‘yun na may kasamang sayaw.
Nagbiro itong dahil siguro tumatanda na siya kaya hinihingal na siyang mag-perform.
Forty-one years old na kasi si Ice and in fairness, wala sa hitsura niya. Siya yata ang pinakabatang 41 years old na kilala namin dahil mukha pa rin siyang bata. Imagine, 38 years old na siya sa showbiz at tama ang sinabing marami na siyang pinagdaanan.
Natanong si Ice ng mga highlights niya sa showbiz at may sumagot na isa rito ang love team nila ni Spencer Reyes, na nauwi sa tawanan.
Si Ice ang nakaalala na sabay sa concert niya ang show nina Spencer at Streetboys sa New Frontier Theater. Kung wala raw show si Spencer, baka nakasama ito sa kanyang mga guests.
Well, hindi lang sa repeat ng kanyang concert mapapanood si Ice this November. Mapapanood din sila ng wifey niyang si Liza Diño-Seguerra sa stage play na Choosing sa Nov. 23-December 1 sa Doreen Black Box Theater Arete sa Ateneo de Manila University.
Next year, sa isang major concert mapapanood si Ice Seguerra. Pinaghahandaan na rin ito ng Fire and Ice Media. Hintay lang tayo sa announcement.
PAREHONG nasa bakasyon sina Barbie Forteza at David Licauco. Nauna pa ngang umalis si David sa hindi sinabing bansa na kanyang pupuntahan. Si Barbie naman ay sa sister at pamilya nito sa Chicago nagbakasyon at sa interbyu bago siya lumipad, nabanggit na isa sa mga rason ng kanyang bakasyon ay dahil gusto niyang alagaan ang kanyang pamangkin.
Natuwa lang ang BarDa fans nina Barbie at David dahil nang mag-post ang aktres sa TikTok na naglalakad siya sa tabi ng isang puno at may caption na: “Just trust me, you’ll be fine,” nag-comment si David ng “So happy for you.”
Pareho kasing naging busy ang dalawa sa kanilang mga ganap sa showbiz at si Barbie nga, hindi lang taping ng Pulang Araw (PA) ang nagpa-busy. Nag-shooting din siya ng horror movie na P77. Idagdag pa na sume-segue rin siya sa photo shoot ng kanyang mga endorsements.
Same with David, ang dami pa rin nitong endorsement at magiging busy sa shooting ng two movies. Hindi pa rin tapos ang taping ng PA at pagbalik nila ni Barbie Forteza from their vacation, balik sila sa taping ng historical series ng GMA-7.
Comentarios