Nagpalamon ng alikabok si My Prancealot sa NPC Cup
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 29, 2022
Kumain ng alikabok ang mga nakatunggali ni My Prancealot nang manalo ito sa 2022 PHILRACOM "National Press Club (NPC) Cup" stakes race na inilarga noong Biyernes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang nasabing karera ay isinabay sa selebrasyon ng "Araw ng Maynila" kung saan ang naging tampok na karera ay ang "Gran Copa De Manila".
Komento ng mga kareristang nakasaksi ng laban ay naging maganda ang diskarte ng hinete kaya malayong nanalo si My Prancealot.
Nirendahan si jockey NC Lunar, nakapuwesto sa pang-anim si My Prancealot habang nasa unahan ang humarurot sa largahan na si Patong Patong habang nasa pangalawa si Work Bell.
Papasok ng far turn ay umaagaw na ng unahan si Work Bell pero malakas naman ang pag-usad ni My Prancealot.
Pagsapit ng huling 300 metro ng laban ay si My Prancealot na ang nangunguna kaya naman pagsungaw ng rekta ay nasa tatlong kabayo na ang kanyang agwat sa pumapangalawang si Work Bell. "Magaling ang diskarte ni jockey Lunar, nanalo nang ganun kalayo si My Prancealot eh kahit mag-ulit ng laban ganoon pa rin ang resulta," saad ng napahangang si Christopher Corte, veteran karerista.
Inilista ni My Prancealot ang 1:41 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P300,000 premyo. Sumegundo si Shanghai Noon, tersero si Declare For Flare habang pumang-apat ang hinihingal na si Work Bell. Suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ang naasabing event.





Comments