Nagle-leak ng exams parusahan, para maiwasan ang dayaan
- BULGAR
- Mar 21, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Marso 21, 2024
Matapos madiskubre ng pamunuan ng West Visayas State University (WVSU) sa Iloilo City ang posibleng leakage ng mga test question, mahigit sa 20,000 estudyante ang kailangang kumuhang muli ng admission examinations.
Ayon kay Iloilo Rep. Janette Garin, miyembro ng board of regents ng WVSU, may posibilidad talaga ng nangyaring leakage, batay na rin sa kanilang inisyal na imbestigasyon.
Sinabi ni Garin na hindi pa 100% na ito ay kumpirmado, subalit patungo na sila sa direksyon na iyon, na sa panahon ng pilot testing, malamang sa Roxas o sa isang lugar, may nag-picture ng (may nagpa-picture sa) pilot test, at iyon ay nag-leak.
Dagdag pa niya na tuluy-tuloy ang kanilang imbestigasyon, at kung sino ang dapat managot, ay mananagot sa nangyari.
Inihayag din ni WVSU president Joselito Villaruz na ilalabas nila ang resulta ng imbestigasyon ngayong linggo dahil humingi na ng tulong ang unibersidad sa National Bureau of Investigation (NBI).
Binanggit din ni Garin na naglatag na siya ng proposal para sa posibleng retake ng exam, at lahat ay sumang-ayon dito. Malamang aniya, na ang examination retake ay gagawin sa kalagitnaan ng Abril at magkakaroon ng maraming venues. Makikipag-ugnayan din sila sa mga lokal na pamahalaan, unibersidad, at iba pang paaralan sa buong Rehiyon 6, kung saan wala itong bayad at libre.
Gayunman, hati-hati ang mga reaksyon ng mga estudyante dahil sa nangyari.
May mag-aaral na nagsasabing nakakapagod na, subalit kukuha pa rin siya ng exam dahil kailangan talaga at gusto niyang may marating sa future.
Mayroon namang iba na nagpahayag na gagastos muli sila sa pamasahe, kung saan magta-travel na naman ulit mula sa kanilang bahay papunta sa WVSU at mahirap ito para sa kanila.
Hindi na bago sa atin na may mga nangyayari nang leakage sa mga isinasagawang examinations.
Kung minsan, kahit sa mga board at licensure exams, ay may nagaganap pang palihim na bayaran sa mga test question, para siguro lahat ng kanilang estudyante ay walang bumagsak at pasado.
Kaya lang hindi ito nakakatulong sa mga mag-aaral, bagkus nakakasira pa sa kanilang isipan.
Sa halip kasi na mag-aral sila nang mabuti, magsanay at lumaban ng patas, at makapagtapos ng pag-aaral ay matututo ang ating mga estudyante ng pandaraya.
Hiling natin sa kinauukulan na imbestigahan itong maigi at papanagutin ang sinumang sangkot sa naturang insidente.
Marahil, dapat na magkaroon na rin tayo ng batas na may kaugnayan sa ganitong pangyayari para maparusahan ang mga lalabag at matigil na ang maaaring dayaan sa mga isasagawang examination.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments