Nagkapikunan.. Mister, sinaksak ni misis, patay
- BULGAR

- Aug 25, 2023
- 1 min read
ni Janice Baricuatro @News | August 25, 2023

Napatay sa saksak ng isang ginang ang kanyang live-in partner makaraang magdilim ang paningin nang sapakin siya nito habang nag-iinuman kamakalawa ng gabi sa Bgy. Kaytitinga 3, Alfonso, Cavite.
Saksak sa tiyan ang ikinamatay ng biktimang si Donny Bulatao, nasa hustong gulang, residente ng nasabing lugar.
Arestado naman ang suspek na si Nora Gostilo, nasa hustong gulang, kinakasama ng
biktima.
Sa report ng Alfonso Police, ayon sa kainuman ng dalawa na si Rodel Del Carmen, alas-9:50 ng gabi, nag-iinuman sila nang magkasagutan ang mag-live-in.
Napikon umano ang lalaki kaya nasapak nito ang kanyang kinakasama.
Dahil napahiya ang suspek, dinampot ang kutsilyong gamit sa pulutan saka sinaksak ang biktima.
Naisugod pa sa Poblete Memorial Hospital ang mister subalit hindi na ito naisalba pa.
Kasong homicide ang kinakaharap ng suspek na kasalukuyan nang nakakulong.





Comments