top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Nagkalat ang mga nakalalasong laruan ngayong Pasko

BULGAR
Oct 21, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 21, 2022


Tuwing sasapit ang ganitong panahon ay palagi na lamang nagkukumahog ang iba’t ibang grupo, lalo na ang konsumer at environmental protection group para manawagan na mag-ingat sa mga nagdaragsaang laruan sa merkado.


Dahil kabi-kabila na naman ang bagsakan ng mga laruang nakalalason sa halos lahat ng pamilihan sa bansa na taun-taong ding nakalulusot sa operatiba ng Department of Trade and Industry (DTI) sa hindi pa malamang kadahilanan.


Bukod sa nagsisimula nang magkalat ang mga nakalalasong laruan ay halos mag-umapaw na ang mga bodega sa bahagi ng Divisoria at Baclaran na lantaran na ang bentahan na nagmula pa sa mga lalawigan ang humahango para ipagbili naman sa kanilang lugar.


Ang kapansin-pansin lamang ay tila walang nakikita ang ating mga awtoridad, may mga pulis na nagkalat, may mga tauhan ang lokal na pamahalaan na nag-iikot at maging operatiba ng DTI ay nagsasagawa ng inspeksyon sa mga ibinibentang low quality Christmas lights.


Ngunit kahit isang beses ay wala man lamang napaulat na sinakalay ng maykapangyarihan ang bagsakan o tindahan ng mga laruang nakalalason, samantalang matindi ang mga panawagan hinggil sa masamang epekto ng ipinagbibiling mga laruang karaniwan ay galing sa China.


Taun-taon ding nananawagan ang Laban Konsyumer, Inc. at EcoWaste Coalition na kailangang maiparating ang tamang impormasyon sa mga mamimili hinggil sa kaligtasan ng mga laruang nasa merkado lalo pa at isa ito sa pangunahing binibili ngayong Kapaskuhan.


Dapat hindi umano tangkilikin ang mga laruan na hindi sigurado kung ligtas, lalo na ang mga imitasyon, walang tatak at hindi rehistrado base pa sa Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste.


Sa halip na kaligayahan ang epekto ng magandang laruan ay karaniwang nagtataglay ito ng nakalalasong kemikal at delikado rin sa pisikal na pangangatawan dahil may nasusugatan, nasasakal, naaapektuhan ang mata at tenga bukod pa sa may nabubulunan.


Hindi naman nagkukulang ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga panuntunan para sa mga legal na toymakers, distributors at retailers, ngunit maraming tiwali ang nagbebenta ng laruan na hindi pasado sa quality at safety verification kabilang na ang product labelling requirements.


Dapat umanong iwasan ng mga mamimili ang mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals, partikular ang mga painted toys na karaniwang isinusubo o hindi sinasadyang naisusubo ng batang naglalaro.


Ang madalas na pagkalantad ng bata sa mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals ay nakaaapekto sa kanilang growth at development na nagreresulta pa sa lower intelligence quotient (IQ), poor school performance, reduced attention span at anti-social behavioral.


Sa pag-iikot ng EcoWaste ay may mga laruan silang nakita na may bakas ng heavy metals, tulad ng antimony, arsenic, cadmium at chromium na wala ring product labelling information bilang pagtugon sa Republic 10620, o ang Toy and Game Safety Labeling Act.


Dapat ding pagtuunan ng pansin ang patuloy pang pagdagsa ng ‘Ukay-Ukay’ sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kung dati-rati ay mga lumang damit lamang ang ibinibenta, ngunit ngayon bukod sa sapatos, bag at iba ang gamit ay santambak na ring laruan ang pinagbibili ng mura.


Karamihan sa mga laruang ito ay natukoy na positibo sa iba pang harmful chemicals kabilang na ang polybrominated diphenyl ethers (PBDEs) na labis na nakaaapekto sa endocrine o hormone system ng mga bata.


Totoong mabuti ang recycling partikular sa mga bagay na nakaaapekto sa kalikasan, ngunit maling tangkilikin ang mga recycled toys galing sa ibang bansa na kontaminado ng kung anu-anong kemikal na kalaunan ay makaaapekto sa mga bata.


Ang isa sa pinakabagong nananawagan ay ang environment group na Ban Toxics laban sa mga kumakalat na mga nakakalasong laruan, na isinagawa nila dahil sa magkahalintulad na layunin dahil ilang araw na lamang ay Pasko na.


Sa isinagawang Toxic Toy Clinic sa San Antonio Elementary School (SAES), binalaan ng grupo ang mga guro, magulang at bata laban sa mga laruang maaaring nagtataglay ng mga nakalalasong kemikal tulad ng lead.


Nangunguna umano sa mga kemikal na posibleng nasa mga laruan ang lead, na itinuturing na neurotoxin o nakakalason sa utak at nakakaapekto sa mental development ng bata, apektado rin nito ng naturang kemikal ang buto ng mga bata.


Ang masaklap, pinatotohanan ng grupong Ban Toxics na maging ang school supplies ay hindi ligtas sa mga kinatatakutang kemikal na karaniwang nakikita sa mga mumurahing laruan.


Ipinapayo ng mga eksperto na tingnan kung may selyong "toxin-free" o "lead-free" ang biniling laruan, at palaging sumangguni sa website ng Food and Drug Administration (FDA) para malaman kung anong mga laruan ang nagtataglay ng mga kemikal.


Kaya sa mga Ninong at Ninang na nagpaplanong magbigay ng laruan sa kanilang mga inaanak ay mas mabuting suriin na ninyong mabuti para hindi kayo masisi.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page