top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Nagkaka-HIV, pabata nang pabata

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 11, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 11, 2023




Mahigit sa 1,500 bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa ang nairekord ng Department of Health (DOH).


Batay sa pinakabagong report ng HIV/AIDS Registry of the Philippines, mayroong 1,518 bagong kaso ng HIV na iniulat nito lamang Hunyo 2023, na tinatayang nasa 49 ang naitatalang average cases kada araw.


Ayon sa DOH, sa natukoy na mga kaso, 415 sa mga pasyente ay mayroon nang advance HIV infection sa panahon ng kanilang ‘diagnosis’. Nasa 94% o 1,429 sa mga pasyente ay mga lalaki habang 6% o 89 sa kanila ang mga babae.


Pahayag ng ahensya na ‘sexual contact’ ang pangunahing dahilan ng transmission o pagkahawa na nasa 1,488 kaso. Nangunguna rito ang lalaki sa lalaking pagtatalik na may 1,063 kaso, may 217 kaso ng pagtatalik ng magkasabay ang lalaki at babae, at 208 kaso ang pagtatalik ng lalaki sa babae. Gayundin, nakapagtala ng 211 nasawi nitong Hunyo dahil sa HIV.


Higit sa kalahati o 773 ng mga kaso ay natukoy sa National Capital Region (NCR), 365 sa Calabarzon at 158 naman sa Central Luzon.


Nababahala naman si DOH Secretary Ted Herbosa sa patuloy na pagtaas ng HIV cases at sa pagdoble ng average na bilang ng mga bagong kaso ngayong taon.


Sinabi ni Herbosa na kung noon ay 22 lamang ang average na kaso per day, ngayon ay nasa 50 cases kada araw na ang naitatala. Ang mas nakakaalarma aniya, ang babata ng mga tinatamaan na nasa edad 15 o below 18 ang mga bagong kaso, kung saan nagiging mas bata ng 15-anyos na positibo sa HIV.


Talagang nakakabahala ang naitatalang infected ng HIV sa ating bansa.


Sa halip na mas bumaba ay tumataas pa ang nairerekord na mga kaso nito. Ang masaklap pa, pabata nang pabata ang tinatamaan ng naturang sakit na batid naman natin na wala pang maituturing na gamot para rito.


Marahil, dapat na tutukan ito nang husto ng kinauukulan upang hindi na lumala pa at kumalat ang nakamamatay na sakit.


At bilang mga magulang ay bantayan natin ang ating mga anak para hindi nila subukin ang mga bagay na makakasama sa kanila. Gayundin, sana ay maging responsable tayo sa lahat ng oras.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page