top of page

Nagkahiwalay sila ni Michael… GINA, UMAMING 2 YRS. NAGDROGA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 11
  • 3 min read

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 11, 2025



Photo: Gina Alajar - YT Luchi Cruz-Valdes


Marami ang nagulat at hindi makapaniwala nang mapanood ang mahusay na aktres/direktor na si Gina Alajar sa podcast ng broadcast journalist na si Luchi Cruz-Valdes. 


Matapang na inamin ni Gina na minsan sa kanyang buhay ay sumubok siyang gumamit ng droga. Ito ay nu'ng nasa mid-20s siya at abalang-abala sa kanyang shooting at taping.

Nakatulong daw ang droga upang hindi siya makaramdam ng antok at pagod. Halos dalawang taon din siyang gumamit ng droga noon, hanggang sa ma-realize niya na kailangan nang ihinto ang kanyang bisyo. 


Nagkahiwalay sila ni Michael de Mesa at isinama niya ang kanilang anak. Hard lesson learned iyon para kay Gina Alajar.


Sinikap niyang harapin ang mga hamon ng buhay at mag-isang itinaguyod ang kanyang mga anak. Hindi ikinahiya ni Gina na aminin ang kanyang pinagdaanan. Naging matatag siya para sa kanyang mga anak, ibinuhos niya ang kanyang panahon sa kanyang career bilang artista at direktor. At ang mga karanasan niya sa showbiz ang kanyang isine-share sa mga baguhang artista na kanyang mine-mentor.


Ang pagiging professional sa trabaho at mabuting pakikisama sa lahat ang madalas niyang ipaalala sa lahat ng mga baguhang artista ngayon.



Marami ang nagtatanong kung posible kayang mapatawad din ni Bea Alonzo si Cristy Fermin at ang dalawang kasama nito na sina Romel Chika at Wendell Alvarez na sinampahan niya ng cyber libel. 


May warrant of arrest na ang mga ito at nakapagpiyansa na. Inaabangan ng lahat kung magpoprogreso ang kaso.


Ganunpaman, may ilang netizens ang nagsasabing baka naman lumambot din ang puso ni Bea at mapatawad na si Cristy at ang mga kasama, tulad ng ginawang pagpapatawad nina Sharon Cuneta at Sen. Kiko Pangilinan na nagsampa rin noon ng demanda kay Cristy Fermin, pero kalaunan ay iniurong ang demanda at tuluyan na siyang pinatawad.


Well, napakasuwerte ni Bea sa kanyang career at masaya ang kanyang love life ngayon. Baka may ilang anghel na mamagitan upang maayos ang problema sa kasong isinampa niya kay Cristy Fermin at mga kasama. 


Mas magiging magaan ang buhay ni Bea Alonzo kung magagawa niyang magpatawad sa mga nagkasala sa kanya.



MANANATILI pa ring Kapuso si Rhian Ramos dahil muli siyang pipirma ng kontrata sa GMA Network sa August 12. 


Kasabay ng kanyang pagpirma ng bagong kontrata ay ia-announce rin ang mga bagong shows na kanyang gagawin.


Nagmarka ang role ni Rhian Ramos sa Encantadia bilang si Mitena, ang mahigpit na kalaban ng mga Sanggres. Maraming viewers ang naiinis sa pagpapahirap ni Mitena sa mga Sanggres. 


Flattered naman ang aktres dahil kahit saan siya magpunta ay nakikilala pa rin siya kahit hindi nakaayos at laging naka-hoodie. Marami pa rin ang nagpapa-picture sa kanya, maging ang mga bata.


Kahit busy sa serye, nagagawa pa rin ni Rhian ang tumanggap ng pelikula. 

Samantala, marami ang pumuri sa kanyang pagganap sa pelikulang Meg & Ryan (M&R), kung saan kapareha niya si JC Santos. Swak na swak ang kanilang tandem sa nasabing romantic movie.



AKTIBUNG-AKTIBO ngayon ang dating singer-composer na si Jimmy Bondoc na isa nang abogado at legal analyst. Madalas siyang dumalo sa mga forums ng iba’t ibang sektor na tumatalakay sa napapanahong isyu tulad ng corruption, pork barrel, flood control at budget para sa 2025 at 2026.


Kasama si Atty. Jimmy sa grupo ng anti-corruption advocates sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery. Kabilang sa mga dumalo ay sina Atty. Ferdinand Topacio, Cong. Isidro Ungab, at Jiggs Magpantay ng Citizens Crime Watch.


Bagama’t hindi nakadalo sa forum si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay nagkaroon siya ng partisipasyon via Zoom. Ang problema sa baha at ang isyu sa DPWH ang main topics ng forum. 


Nakatakdang ibunyag ni Mayor Magalong ang 3 congressmen na tumatayo rin bilang contractors sa mga anti-flood control projects ng DPWH.


Sey nga ni Mayor Magalong, willing siyang magsalita ng kanyang nalalaman tungkol sa tatlong congressmen sakaling ipatawag siya sa Senado, pero sa kondisyon na hindi nila ibubunyag ang kanyang mga resource persons na nagbigay ng impormasyon tungkol sa anomalya sa flood control ng DPWH projects. 


Nagkakaisa naman ang mga anti-corruption advocates sa kanilang nominasyon na gawing anti-corruption czar si Mayor Benjamin Magalong.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page