top of page

Misis ni Arjo… RIA, UMAMIN KUNG BAKIT WALA SA PAMILYA ATAYDE ANG BUMATI KAY MAINE NU’NG B-DAY

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

ni Melba R. Llanera @Insider | March 19, 2026



Ria Atayde

Photo: Instagram / Ria Atayde



Sa gitna ng intriga at usap-usapan tungkol sa umano’y cheating issue sa “power couple” sa showbiz, mariing pinabulaanan ni Ria Atayde ang pagkakadawit ng kanilang pangalan ni Zanjoe Marudo, kasabay ng kanyang pagdalo sa mediacon at special screening ng The Silent Noise (TSN) bilang suporta sa asawa na bida sa bagong serye kasama si Angelica Panganiban. 


Sumagot naman agad sa amin ang aktres na hindi maiiwasan ang ganyang mga isyu sa industriyang kinabibilangan nila, pero nagpapasalamat siya sa nagtuturing sa kanila bilang power couple.


Masaya at kuntento sa pagsasama nila ni Zanjoe, puring-puri nga ni Ria ang pagiging ama ng kanyang mister at napakasuwerte niya raw na si Zanjoe ang kasama niya sa pagbuo ng kanilang pamilya. 


Nang tanungin namin kung ano ang sikreto para sa isang masayang buhay-may-asawa, sinabi ni Ria na bukas na komunikasyon sa pagitan ng mag-partner at nagpapasalamat siya na nakikita niya ang effort ng asawa na kahit may anak na sila ay kailangan pa rin nila ng quality time para sa isa’t isa.


Ikinuwento rin ni Ria na kapag may mga proyekto sila ni Zanjoe ay bahagi ng proseso nila na basahin ang script na gagawin nila at natutuwa at proud siya kung paano isinasabuhay ang script at ang mga karakter na bumubuo rito, kabilang na ang role ni Zanjoe bilang Anton Carpio sa istorya.


Samantala, tinanong din siya tungkol sa puna ng maraming netizens na wala raw bumati kay Maine sa social media mula sa pamilya Atayde noong mag-birthday ito noong March 3. 


Paliwanag ni Ria, lahat sila sa pamilya ay namahinga muna sa social media. 

Sa parte niya, ang pokus ay ang pag-aalaga ng anak na si Sabino at hindi na siya aktibo sa industriya kaya wala siyang nakikitang dapat i-post. 


Siniguro rin ni Ria na maayos ang relasyon ng mga Atayde kay Maine at makikita ito sa birthday celebration ng ama nilang si Art Atayde kamakailan.


Sa kabila ng mabigat na pagsubok na pinagdaanan ng pamilya Atayde, partikular na ng kapatid na si Arjo Atayde na hindi biro ang inabot na pamba-bash mula sa mga netizens, nanatiling matatag at matibay ang pamilya nila. 


Ayon kay Ria, ganu’n ang isang pamilya na kahit ano ang mangyari ay hindi nila iiwan ang bawat isa sa anumang pagsubok na dumaan sa kanila.


Samantala, kinokonsiderang isa sa magagaling at versatile actress ng kanyang panahon si Ria. Pero sa kabila ng pag-amin na nami-miss niya ang pag-arte, ine-enjoy niya muna ang papel bilang ina kay Sabino na ngayon ay isang taon at limang buwan pa lamang at hindi niya ipagpapalit ang oras at role na ginagampanan niya bilang ina.





GUMAGANAP bilang Jackie Carpio at matriarka sa pamilya Carpio sa crime drama series na The Silent Noise, naniniwala ang Kapamilya actress na si Angelica


Panganiban na ang pagiging komportable nila ni Zanjoe Marudo sa isa’t isa ang rason kung bakit click ang tambalan nila, mapa-big screen man o TV series. 

Isang ina na may anak na pipi na ginagampanan ni KD Omalin, aminado si Angelica na mahirap sa umpisa ang kanyang role at malaking challenge ito dahil hindi siya exposed sa mundo ng mga pipi. 


Ngunit habang ginagawa na niya ang series ay paunti-unti niyang natutunan ang lengguwahe ng mga ito sa pamamagitan ng sign language at kapag binabagalan ay naiintindihan na niya.


Samantala, kahit abala sa pagiging asawa kay Gregg Homan at ina kay Baby Bean, para kay Angelica ay hindi lang dito umiikot ang buhay niya, kaya kung may maganda at challenging role ay tinatanggap niya. 


Siniguro rin niyang ipapapanood kay Baby Bean ang lahat ng mga proyektong nagawa niya at wala siyang ikahihiya. 


At 3 yrs. old, ‘di pa alam ni Baby Bean na isa siyang artista at kung darating ang punto na gugustuhin din nitong pumalaot sa showbizness at mag-artista ay susuportahan niya nang buung-buo.


Ang The Silent Noise ay mapapanood sa Prime Video simula bukas, March 20 (sa Pilipinas) at sa 240 na bansa sa buong mundo. 


Bukod kina Angelica, Zanjoe at KD, kasama rin sina Zaijian Jaranilla, Mutya Orquia, Karina Bautista, Monching Gutierrez, Joem Bascon at iba pa. Ito ay produced ng ABS CBN Studios sa ilalim ng direksiyon ni Direk Onat Diaz.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page