Naghahanapan daw sila, gastos ‘di rin natatapos… VICE, NAGSAWA NA SA MANSIYON NILA NI ION, GUSTONG LUMIPAT SA SIMPLENG BAHAY
- BULGAR

- 10 hours ago
- 3 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | June 3, 2026

Photo: IG _praybeytbenjamin
Ngayong natupad na ni Unkabogable Star Vice Ganda ang pangarap na magkaroon ng malaking bahay, ibinahagi niya sa panayam ni MJ Felipe para sa TFC show na Are You G? (AYG) na mas pinipili na niya ngayon ang simple at praktikal na pamumuhay.
“Nagbago na ‘yung trip ko. Gusto ko ng mas maliit na bahay. Gusto ko na ng mas simple lang. Gusto ko ng kulay puting bahay. Dati, ayaw ko ng puting bahay, gusto ko, dark s’ya,” deklara ni Meme Vice.
Ipinaliwanag ni Vice na habang tumatanda siya, nagbabago rin ang kanyang pananaw sa buhay.
Aniya, “Siguro ‘yung state of mind, ‘yung sensibilities mo, nag-iiba habang tumatanda ka, ‘di ba? S’yempre, nu’ng walang-wala ka, ang dream mo ay malaking-malaki. Ganu’n ako dati lalo nu’ng bata pa ako, malala akong mangarap. Malala ‘yung mga goals ko.”
Ayon kay Vice, masarap sa pakiramdam na maabot ang mga dating pangarap, ngunit kalaunan ay hinahanap pa rin niya ang mas payak na pamumuhay.
“Tapos, s’yempre, ang sarap sa pakiramdam na na-achieve mo ‘yun pero pagkatapos ng lahat, babalik at babalik ka sa basic, eh. Okay na, na-achieve ko na ‘to, naranasan ko na. Gusto ko ‘yung mas simple, mas nagkikita kami ng mga gusto kong makita sa bahay. ‘Di ‘yung ‘pag dalawa lang kami ni Ion, hahanapin ko pa s’ya sa bahay,” lahad niya.
Ikinuwento rin ni Vice ang naging usapan nila ni Ion tungkol sa laki ng kanilang bahay.
Kuwento niya, “Sabi ko kay Ion, ‘Alam mo, ang laki nito para sa ating dalawa, napapagod ako.’ Sabi ko, ‘Dapat mas maliit na lang ‘yung bahay natin para ‘di tayo nagtataguan.’”
Bukod dito, aminado siyang malaking hamon din ang maintenance ng malaking bahay.
Sey ni Vice, “Magastos, ang hirap n’yang i-maintain. Konting kebot, meron kang mapapansin, may sasablay. At saka ‘yung mga tubo, may tutulong ganyan. Sabi ko, ‘di na natatapos.”
Dagdag pa niya, “Lahat ng nagpagawa ng bahay, alam kong nauunawaan nila ‘yun na ‘di natatapos ang pagpapagawa. Akala ko dati, sa mga simpleng bahay lang nangyayari na may tumutulo o nagli-leak ‘pag umuulan. Hindi pala. Kahit maayos at maganda ang bahay mo, may mga nasisira pa rin.”
Well, ibebenta na kaya ni Vice ang mansiyon nila ni Ion para lumipat sa mas maliit na bahay?
POSITIBO ang pagtanggap ng mga manonood kina Fyang Smith, Ivana Alawi, at Jane Oineza sa seryeng Love Is Never Gone (LING) na mapapanood sa Prime Video.
Partikular na pinupuri si Ivana sa mas mature at dramatic na pagganap niya bilang Yana/Gem Verona, habang umani rin ng papuri si Jane para sa emosyonal niyang pagganap bilang Larajean.
Si Fyang naman ay nakatatanggap ng magagandang komento dahil sa kanyang natural na pag-arte at mahusay na pagganap bilang Raya Verona.
Usap-usapan din online ang chemistry nina Joshua Garcia at Ivana, na isa sa mga madalas banggitin ng mga viewers matapos ang premiere ng serye.
Ayon sa ABS-CBN, naging No. 1 show sa Prime Video Philippines ang LING matapos ang debut nito noong Mayo.
Bagama’t may ilang netizens na naghahambing ng kuwento nito sa ibang pelikula at serye, marami pa rin ang sumusubaybay sa mga karakter at sa kombinasyon ng romance, suspense, at drama ng palabas.
Pinagbibidahan nina Joshua Garcia, Ivana Alawi, Jane Oineza, Fyang Smith at JM Ibarra ang Love Is Never Gone, na napapanood tuwing Biyernes sa Prime Video.





Comments