Nagbebenta ng bata online, i-report agad

@Editorial | June 3, 2024

Nakababahala ang pagtaas ng kaso ng mga nagbebenta ng sanggol online o sa black market.
Ito’y kasunod ng mga ulat na may ibinebentang mga sanggol sa Facebook sa halagang P90,000 at P5,000 ang downpayment.
May ilang indibidwal nang nahuli ang mga otoridad at nasampahan na rin ng kasong qualified trafficking, habang mahigit 500 social media accounts na rin ang na-take down.
Maaaring may mga natanggal na sa ngayon pero tiyak na gagawa lang sila ng panibagong account lalo na kung may mga kumakapit sa kanilang mali at ilegal na gawain.
Sa ganitong sitwasyon, masasabing mahihirapan talaga ang gobyerno na masugpo ang problema. Kailangang magkaroon ng ‘whole-of-nation approach’ sa kampanya laban sa child trafficking online.
Panawagan sa mga nais magkaanak sa pamamagitan ng pag-aampon, gawin natin ito sa mabuti at legal na paraan. Makipag-ugnayan sa National Authority for Child Care (NACC).
Mas madali na at menos gastos ngayon ang proseso ng adoption sa bansa dahil sa pinirmahang batas noong nakaraang administrasyon, ang RA No. 11642 (Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act).
Sa ilalim nito, mas madali na ang proseso ng pag-ampon sa Pilipinas dahil wala nang court process. May ilang requirements lang na kailangang isumite. Sa ganitong paraan, hindi tayo magkakaproblema.
Sa mga tao na produkto ang turing sa mga walang kamuwang-muwang na sanggol o bata, makonsensya naman kayo.



Comments