Nagbabaraha, pahiwatig na ‘di na makapag-aasawa kahit biyuda
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 23, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Letlet ng Hong Kong.
Dear Maestra,
Nandito ako ngayon sa Hong Kong at nagtatrabaho bilang Domestic Helper sa loob ng limang taon. Biyuda ako at naisipan kong mag-abroad upang bigyan ng magandang kinabukasan ang kaisa-isa kong anak. Ang madalas kong libangan ay maglaro ng Solitaire at nagbabaraha ako sa gabi bago matulog. Hanggang sa panaginip ay baraha pa rin ang nilalaman ng isip ko. Napanaginipan ko na buong maghapon at magdamag na wala akong ginawa kundi maglaro ng baraha. Natawa na lang ako nang magising kinabukasan dahil sadyang tunay ang panaginip ko. Ano ang kahulugan ng baraha na halos gabi-gabi ay sumasagi sa aking panaginip?
Naghihintay,
Letlet
Sa iyo, Letlet,
Mabuti naman at kahit paano ay may libangan ka r’yan sa Hong Kong kapag walang magawa. Walang masama kung paglalaro ng baraha ang napili mong libangan at hindi kataka-taka na pati sa pagtulog mo ay nagbabaraha ka pa rin.
Gayunman, kapag ang isang tao ay naglalaro ng baraha sa panaginip niya, ito ay nagpapahiwatig na hindi na siya makapag-aasawa pa. Mananatili siyang biyudo o biyuda hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.
Sa kabilang dako, kung sa panaginip mo ay hinuhulaan mo ang iyong magiging kapalaran sa hinaharap, ito ay nagpapahiwatig na dapat mong pagtuunan ng pansin ang nakita mo sa baraha sa dahilang may posibilidad na magkatotoo ito sa tunay na buhay. Hanggang dito na lang. Hangad ko ang kapayapaan ng iyong isipan at nawa’y palagi kang nasa mabuting kalagayan sa iyong kinaroroonan at palaging ligtas sa anumang uri ng kapahamakan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments