top of page

Nagbabala nang pagbagsak ng ekonomiya, nakupo!

  • BULGAR
  • Jul 18, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | July 18, 2022


IBINABALA na ng mga eksperto ang global economic meltdown kung sakaling biglang pigilin ng Russia ang pag-export ng petrolyo at natural gas.


Unang makararanas ng pagguho ng ekonomiya ang buong Europe, partikular ang Germany.


◘◘◘


NGAYON pa lamang ay dumaranas na ng krisis maging ang U.S.


Sa Germany, inaasahang mababangkarote ang malalaking negosyo dahil sa kakapusan ng suplay ng enerhiya na nagmumula sa Russia.


◘◘◘


SIYEMPRE magdurusa rin mismo ang Russia dahil pag-e-export lang ng petrolyo at gas ang sumasagip sa kanilang ekonomiya.


Pero kapag nagipit si Vladimir Putin, posibleng masorpresa ang buong daigdig — sa oil boycott ng Moscow.


◘◘◘


SA ngayon ay partial lamang o hindi pa ganap ang pagpigil ng Russia sa energy supply.


Pero, nagpa-panic na ang Germany at kalapit na bansa.


◘◘◘


SIYEMPRE, damay ang Pilipinas.

Aktuwal nang nararanasan ang krisis sa matinding pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyares.


Nangangahulugan ito ng mataas na presyo ng imported products tulad ng langis.


◘◘◘


MAAGANG paghandaan dapat ang oil crisis at ngayon lamang ay dapat magtipid o magsinop sa pagkonsumo ng petrolyo.


Mas mainam ay pondohan ang malawakang paggamit ng solar at wind energy.


◘◘◘


DAPAT magkusa ang malalaking korporasyon na mag-invest sa solar energy industry at mag-install ng solar panel sa lahat ng lalawigan.


Kailangan gumawa ng batas na magsusulong ng clean energy upang makatakas tayo sa krisis.


◘◘◘


ANG Pilipinas, batay sa geographical location ay angkop sa solar at wind energy taliwas sa ibang bansa.


Napakasuwerte ng Pilipinas dahil sa lokasyon nito sa mapa.


◘◘◘


SA totoo lang, may sapat na lugar din ang Pilipinas pakinabangan ang “wave energy” na gamit ang alon sa karagatan na pumapalibot sa ating archipelago.


Kasabay ng wave energy, puwede ring mabungkal ang deuterium o hydrogen energy na nakamina o nasa kailaliman lamang ng pusod ng karagatan.


◘◘◘


SAKALING hindi mapigil ang world economic meltdown, tanging ang dolyares mula sa higit 10 milyong Pinoy overseas ang magsasalba sa Pilipinas.


Dire-diretso lang ang pagpasok ng dollar remittances sa ating bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page