Last trip ng MRT-3, i-extend ng 12 midnight
- BULGAR
- Aug 22, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 22, 2023
Hiniling ng isang grupo ng mga komyuter sa pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na gawing hanggang hatinggabi o 12 midnight ang kanilang operasyon.
Ayon kay United Filipino Consumer and Commuters (UFCC) President Rodolfo Javellana Jr., dahil sa patuloy na paglaki ng populasyon ng ating bansa at tumitindi ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa EDSA, kinakailangan na rin ng mas maraming masasakyan.
Pahayag ni Javellana, mahalaga rin na masiguro ang kaligtasan sa pagbiyahe ng ating mga Kababayan, lalo na sa hatinggabi, at ang MRT-3 at Light Rail Transit (LRT) ang maituturing na mga secured na serbisyong pangtransportasyon ng mga mananakay.
Aniya, magiging malaking tulong sa mga komyuter sakaling ma-extend ng hanggang alas-12:00 ng hatinggabi ang operasyon ng mga rail lines, ito ay kung hindi talaga kakayanin ang 24/7 operation nito.
Una nang ipinahayag ng MRT-3 na hindi sila maaaring mag-operate ng 24/7 dahil sa anila, kailangan nilang paglaanan din ng oras ang gabi-gabing maintenance at rehabilitation sa mga riles at mga tren para na rin sa kaligtasan ng lahat ng mananakay.
Sa kasalukuyan, ang last trip ng MRT-3 ay hanggang alas-10:00 ng gabi lamang, habang ang first trip naman ay alas-4:00 ng madaling-araw.
Giit naman ni Javellana na kung sakaling aabot hanggang hatinggabi ang operasyon ng mga rail lines ay maaari pa rin silang makapagkumpuni mula dalawa hanggang apat na oras para matiyak na safe ang mga riles at tren sa pagsakay ng mga komyuter.
Mahirap talaga ang sitwasyon ng mga komyuter sa araw-araw, lalo na kung gabi na ang labas nila mula sa kanilang trabaho.
Dusa ang inaabot sa pag-aabang pa lamang ng masasakyan at sasabayan pa minsan ito ng malakas na ulan, kaya ang ending papara na lang ng taxi o magbo-book sa Grab o kaya naman ay maghihintay pa rin ng jeep.
Subalit, kung magagawa nga na mapalawig talaga ang operasyon ng ating mga tren, mas magiging maginhawa ang pagbiyahe ng ating mga mananakay sa tuwing papasok sila sa kanilang trabaho at uuwi ng bahay, habang matitiyak pa ang kaligtasan ng mga ito.
Marahil, dapat na pag-isipang mabuti ng kinauukulan na maresolbahan ang apelang ito ng mga komyuter, kung saan sila ang may malaking populasyon sa mga lansangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments