Nag-unfollow sa isa’t isa sa IG… MARK AT NICOLE, KALAT NA HIWALAY NA
- BULGAR
- 22 minutes ago
- 3 min read
ni Nitz Miralles @Bida | February 8, 2026

Photo: FB Mark Herras
Sinaway ng ilang netizens ang tanong ng isa ring netizen sa wife ni Mark Herras na si Nicole Donesa kung kumusta na sila ng dancer-aktor.
In fairness, walang sinabing masama ang nagtanong, pero marami ang sumaway sa kanya. Personal daw ang kanyang tanong at mabuti na hindi sinagot ni Nicole Donesa.
Ang sumunod na tanong ay kung totoong hiwalay na nga sila ni Mark dahil nabalitang they unfollowed each other sa Instagram (IG).
Alam n’yo naman ngayon, sa socmed (social media) na nalalaman ang status ng mga couples. Kapag nag-unfollow sa isa’t isa ang isang couple, ibig sabihin noon ay break na sila o hiwalay na.
Walang sinasagot si Nicole sa mga tanong at wala rin siyang idine-delete. Unfair lang ang mga comments sa kanila, lalo na kay Mark, dahil hindi naman natin alam ang totoong nangyari.
Anyway, kung ang last reels na ipinost ni Mark ay umiiyak ito, sa latest post niya sa IG Story ay nakangiti ito at okay daw siya.
“Okay na okay at buhay pa naman,” sagot nito sa bumisitang kaibigan na fitness coach yata.
Si Nicole naman, ang last post ay ibinalita ang pagbisita sa isang skin clinic at ang sisimulang weight loss journey niya sa March, kung saan magsisimula na raw siyang mag-workout.
Ang laki nga ng nadagdag sa timbang ni Nicole na nagpa-breastfeed sa daughter nila ni Mark.
Ngayong okey naman si Mark Herras at okay din si Nicole, ang request ng mga fans ay ayusin din nila ang kanilang pagsasama hindi lang para sa kanilang dalawang magagandang anak, kundi para na rin sa sarili nila. Saka i-follow na raw nila uli ang isa’t isa sa IG para hindi nag-o-overthink ang mga fans, pati na ang mga tsismosa at bashers.
Aktres, pinayuhang magpa-checkup…
BUKOL SA LEEG NI ANNE, PINAGPIYESTAHAN NG NETIZEN
ANG hula ng mga nakabasa sa Facebook (FB) post ni Anne Curtis na: “Hello, gusto ko lang magpasalamat, alam n’yo na kung sino kayo... lalo na dito sa Facebook community,” ay may kinalaman ito sa napansin ng kanyang mga fans na tila bukol sa kanyang leeg sa isang photo.
Nang makita ang nasabing photo, nag-react agad ang mga fans. Tinanong si Anne kung ano ‘yung nasa leeg niya. May diretsahan pang nagtanong kung may goiter ba siya.
Pinayuhan din siyang magpa-check-up agad at marami ang nagpakita ng concern sa leading lady ni Jericho Rosales sa pelikulang The Loved One (TLO).
Marami ang nagtanong kay Anne, pero wala siyang sagot hanggang mabasa nga ang ‘thank you’ post niya sa FB.
Concerned pa rin ang mga fans at marami na rin ang nakapansin sa kanyang leeg. Pero tama ang ibang mga fans ng aktres, hintayin na si Anne mismo ang magsabi at sumagot sa mga tanong dahil sa iba niyang photos, walang napansing lump sa kanyang neck
area.
Baka nga sa anggulo o sa lighting lang sa photo shoot kaya may napansing kakaiba ang mga nakakita sa photo ni Anne.
And speaking of Anne, ini-repost nito ang balitang R-13 ang movie nila ni Jericho na showing sa February 11, 2026, at masaya ring ibinalita na may international screenings ang TLO.
Natuwa rin ito na ang daming moviegoers ang excited nang mapanood ang pelikula ni Director Irene Villamor. Comeback movie ito ni Anne Curtis na ang last movie ay six years ago pa.
TULOY pa rin ang dating ng mga endorsements kay Shuvee Etrata kahit matagal nang tapos ang season one ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition (PBBCCE). Ang latest na endorsement nito ay isang toothpaste brand kung saan kasama niya si Anthony Constantino.
Sa February 14 ang launching ng TVC at sabi ay masusundan pa ito ng more endorsements for the two.
Natutuwa ang mga fans kina Shuvee at Anthony dahil hindi naman sila love team at wala pang project na ginawa na magkasama sila, pero ang lakas nila sa mga fans at sa mga ad agencies.
Si Shuvee Etrata pala ay isa sa makakapareha ni Dingdong Dantes sa action series na The Master Cutter (TMC), at kahit hindi siya ang official leading lady ni Dingdong Dantes, malaki ang maitutulong nito sa kanyang career.




