Nadala na sa mga ex-GF… KLEA, AYAW NANG ISAPUBLIKO ANG SA KANILA NI JANELLA
- BULGAR

- 15 hours ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 23, 2025

MASAYANG-MASAYA si Klea Pineda nang makapanayam namin sa QCinema International Film Festival (QCIFF) press launch ng QCinema 2025 last Tuesday sa Max’s Scout Tuazon, QC.
Matapos kasing mag-No. 1 sa box office sa katatapos lang na Cinemalaya Film Festival ang pelikula nila nina Jasmine Curtis-Smith, Leanne Mamonong at Janella Salvador na Open Endings na idinirek ni Nigel Santos, pasok din ito sa Asian Next Wave Competition section ng QCinema 2025 kung saan 8 pang iba-ibang pelikula na mula sa iba’t ibang bansa ang makakalaban nila sa naturang kategorya.
Nasa ika-13 taon na ngayon ang QCinema na taunang ginaganap sa pangunguna ng Quezon City Film Development Foundation (QCFDC) kaya present sa ginanap na media launch si QC Mayor Joy Belmonte na laging all-out support sa proyektong ito ng kanyang lungsod.
Kaya ganu’n na lang ang kasiyahan ni Klea at nina Jasmine at Leanne na dumalo sa presscon ng QCinema dahil panibagong oportunidad nga naman na mapasali sa festival na ito, which means mas marami pang makakapanood ng Open Endings.
Ang QCinema 2025 ay mapapanood sa mga piling sinehan sa Quezon City tulad ng Gateway, Trinoma, Eastwood, Fishermall, Cloverleaf, at Robinsons Galleria mula Nobyembre 14 hanggang 23.
Samantala, tinanong namin si Klea kung feeling ba niya ay nakatulong ang ‘closeness’ nila ni Janella para umingay at ma-curious ang mga tao na panoorin ang Open Endings.
Natawang sagot ng Kapuso actress na first time naming nakilala nang personal at nainterbyu, “Siguro, yes, may part na siguro naintriga sila kung bakit nagkaroon ng ganu’ng issue, pero lahat ng nangyari para sa pelikula namin, dahil maganda ‘yung movie namin at pinaghirapan ‘yun ng buong production team ng Open Endings.”
At dahil kumalat ang mga sweet photos and videos nila ni Janella sa social media pagkatapos nilang gawin ang Open Endings, tinanong na rin namin si Klea kung open na rin ba sila ni Janella na pag-usapan in public ang kakaibang ‘closeness’ nila ngayon.
Muling natawa si Klea bago sumagot, “Ahmmm, tungkol diyan, I think masyado nang open ‘yung relationships ko sa mga tao, sa mga past relationships ko, and marami na silang nalalaman. And sana, this time, mas pinipili ko na kung anuman ‘yung magagandang nangyayari sa akin, sa love life ko, sa lahat ng aspeto ng buhay ko, gusto ko siyang protektahan. Gusto kong protektahan ‘yung happiness ko, ‘yung magandang bagay na ‘yun.
And kung anuman ‘yung nakikita n’yo, paulit-ulit naming sinasabi na kung anuman ‘yung nakikita n’yo sa social media, ‘yun na ‘yun. Hindi naman namin utang na loob sa mga tao na magpaliwanag kung ano’ng meron, kung ano’ng nangyayari, kung ano’ng klaseng relationship ang meron kami.”
“So, walang label?” ulit naming tanong kay Klea.
Inulit din nito ang sagot na gusto niyang protektahan ang kung ano’ng meron sila ni Janella kaya hindi na niya sinagot ang tanong.
Paliwanag pa ni Klea, na-experience na raw kasi niya dati na sobrang open ng relationship niya at hindi raw ‘yun “masaya” kaya ayaw na niyang mangyari pa uli.
Basta paglilinaw niya, personal preference niya ito at hindi naman siya kinokontrol ng network sa kanyang love life, but of course, may mga paalala raw sa kanya ang kanilang mga bosses.
Bilib sa taas ng boses ng co-singer…
FRENCHIE, TINAWAG NI TONI NA ARETHA FRANKLIN NG ‘PINAS
SA Biyernes na, Oct. 24, ang first major concert ni Frenchie Dy na Here to Stay sa Music Museum bilang selebrasyon ng kanyang 20th year in the music industry.
Bagama’t kinakabahan, super excited na ang Power Diva na si Frenchie sa gaganaping concert dahil bukod sa makakasama niya ang mga close friends tulad nina Ice Seguerra, Erik Santos, OJ Mariano, Radha, Sheryn Regis, Bituin Escalante,
Ala Kim at El Gamma Penumbra, dito rin maipapakita ni Frenchie ang kanyang passion sa music para makapag-inspire ng mga tulad niyang tatlong beses inatake ng Bell’s Palsy and yet, pinilit na makabalik sa normal para ituloy ang kanyang buhay bilang singer.
Kahit nga ang kapwa niya singer at TV host na si Toni Gonzaga ay bumilib kay Frenchie nang mag-guest ang Power Diva sa Toni Talks dahil sa lakas ng determinasyon ni Frenchie at sa tindi ng range ng boses nito, dahilan para tawagin siya ng ate ni Alex Gonzaga bilang Aretha Franklin ng Pilipinas.
Matindi ang pinagdaanan ni Frenchie sa kanyang kalusugan, pero dahil survivor nga siya, ipapakita niya sa kanyang Here to Stay concert na may “K” talaga siya para mag-stay sa industriya, kahit pa kaliwa’t kanan na ang mga baguhang singers ngayon na magagaling din naman.
Samantala, heard na magpe-perform din sa Here to Stay concert ni Frenchie ang inaanak namin kay Mareng Ambet Nabus na si Neeyon, na hindi lang pala basta rapper kundi composer na rin, woohooo!!!
Kaya sa mga hindi pa nakakabili ng tiket ng Here to Stay, humabol na kayo at tiyak na sulit na sulit ang gabi n’yo sa pag-e-enjoy sa music ni Frenchie Dy at ng kanyang magagaling ding guest performers.
Produced by Grand Glorious Productions in cooperation with CLNjK Artist Management Inc., Here to Stay is directed by Alco Guerrero.












Comments