top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

NAASCU: St. Clare at Enderun magtatapat sa kampeonato

BULGAR
Jun 17, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 17, 2022



Mabilis na tinapos ng defending champion Saint Clare College of Caloocan at Enderun Colleges ang kanilang hiwalay na twice-to-beat sa serye sa semifinals ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Seniors Basketball Tournament Miyerkules sa Novadeci Convention Center sa Novaliches. Dahil dito, magtatapat sa ikatlong sunod na pagkakataon ang dalawang paaaralan para sa kampeonato simula ngayong Lunes sa parehong palaruan.

Sumandal ang Enderun sa kabuuang laro ni Karl Baclay upang masugpo ang Our Lady of Fatima University, 68-61. Sinundan ito ng 93-65 pagparusa ng Saint Clare sa AMA University sa likod ng biglang pag-init ni Megan Galang sa 3rd quarter.

Naitala ng Titans ang huling 7 puntos ng first quarter para sa 19-10 lamang at mula roon ay inalagaan nila ito at may handang sagot sa lahat ng tangkang makabalik ng Phoenix. Ibinigay ni Baclay ang pinakamalaking lamang na may higit na anim na minutong nalalabi, 62-44, at ipinasok ang 2 paniguradong free throw na may 35 segundo sa orasan upang ibalik sa 10 ang kanilang lamang, 68-58.

Nagtapos si Best Player Baclay na may 13 puntos at 11 rebound. Nanguna sa puntusan si Sherfrazkhan Abdulla na may pito sa kanyang 17 puntos sa 4th quarter.

Lamang lang ng apat ang Saints sa katapusan ng first half, 35-31 at nagawang maipasok ng AMA ang unang 5 puntos ng 3rd quarter upang umabante, 36-35. Ibinalik ni Johnsherick Estrada ang lamang sa Saint Clare, 37-36, at sinundan ito ng 13 sunod-sunod na puntos ni Galang sa loob lang ng nakahihilong 3 minuto upang lumayo, 50-36.

Patuloy ang pagbomba ng Saint Clare at lumobo sa 33 ang agwat, 89-56, at 3:38 ang nalalabi. Ito na ang pinakamaraming puntos ng Saints ngayong taon at nanatili silang malinis ang kartada sa 7 laro.


Laro ngayong Lunes – Novadeci Convention Center;


2:00 p.m. Saint Clare vs. Enderun.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page