top of page
Search
BULGAR

Na-stress daw sa mga bashers sa socmed… DOC WILLIE, MAY SARCOMA CANCER, MILAGRO NA LANG ANG KAILANGAN

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 15, 2024



Showbiz news

Nasa hospital ngayon sa ibang bansa ang kilalang doktor at content creator na nagbibigay ng health tips sa kanyang mga kababayan na si Doc Willie T. Ong dahil sa Sarcoma Cancer.


Inamin ito ni Doc Willie sa pamamagitan ng kanyang vlog sa YouTube (YT) kahapon (Setyembre 14) na may sakit siya at very rare ito base sa doktor na tumingin sa kanya sa hospital sa ibang bansa na hindi nito binanggit kung saan.


“I have a large abdominal cancer, it is serious but I will fight this battle. Para sa lahat ng cancer patients sa Pilipinas, gagaling tayo nang sabay,” ang teaser ng vlog ni Doc Willie.

Sa isang ospital daw sa Maynila unang nagpa-admit si Doc Willie bandang Agosto at du'n nakita na malaking-malaki ang bukol nya.


Aniya, “Isa sa pinakamalaking bukol na nakita nila (mga doktor), mga 16 centimeters, so, saan ito nagtago, bakit ‘di ko nakapa?


“Nagtago sa harap ng gulugod, nakadikit sa puso, so lumaki nang lumaki hanggang 16 centimeters at ‘di mo makakapa sa likod at hindi mo rin makakapa sa harap at dito lang (tummy), malaki na. So paglaki, inipit niya ang esophagus kaya ‘di na ako makalunok. Inipit na ang artery kaya hindi ako makahinga. Inipit na nito ang Inferior Vena Cava (IVC), magang-maga na ang paa ko.”


Recorded ang video na kinunan noong Agosto 29 ng asawa niyang si Doc Liza Ong para raw malaman ng kanyang mga kababayan kung ano ang estado niya sa kasalukuyan.

Kuwento ni Doc Willie, okay pa naman ang pakiramdam niya noong 2022 habang kumakandidato siyang bise-presidente ni ex-Manila Mayor Isko Moreno na tumakbo namang pangulo.


Pagkatapos ng eleksiyon ay tuluy-tuloy siya sa mga medical mission/charity works niya sa iba’t ibang lugar pero nakararamdam na siya ng may mabigat sa katawan niya.

“Napansin ko, April 2023, medyo hirap na akong mag-medical mission. ‘Pag mainit, ayaw ko na, hindi ko na kaya, may hingal, pagod at paglunok ko, parang ayaw na o hirap na.


“Kaya kung napapansin ninyo ‘yung vlogs ko na ‘pag ang edad ay 60 at ang sintomas ng nagkakaedad ay nanghihina, nahihilo, nagmamanas, pumapayat, lumiliit ang mga muscles ay ine-expect ko, sign lang ng aging.


“At pagdating ng October 2023, wala pang one year ago at nag-60th birthday na ako, senior na ako at du’n na ako nakaramdam ng back pain. Matagal na akong may back pain pero this time (iba ang sakit),” kuwento ni Doc Willie.


Ipinakita rin ng nasabing doktor ang kanyang likod na marka ng mga tusok na dinaanan ng karayom na sanhi ng biopsy.


Sa sobrang sakit daw, 'di na siya makahiga nang diretso 'pag matutulog. 

Kaya raw siya nagpa-video ay “Ayaw kong lokohin ang mga followers ko. Mahal ko ang mga followers ko, mahal ko kayo, maniwala kayo.


“Sumakit nang sobra-sobra, worst pain of my life, 10 out of 10 ay iiyak ka, buong gabi, walang tulog. Mula sa pag-upo sa lazy boy sa gabi hanggang sumikat ang araw, walang tulog, dasal nang dasal, humihiyaw buong gabi, saksak-saksak, hinto, saksak-saksak, hinto.

Hindi mo alam kung anong posisyon (gagawin) for 3 days."


Kaya sa ibang bansa nagpapagamot si Doc Willie ay “Saka ko na ikukuwento ang mangyayari.  Pero hindi na kaya ‘yung biopsy ko sa Pilipinas, I have to wait one-week or more kasi maraming holidays.


“At feeling ko nu’n, mabubuhay lang ako 24 hours at sa tingin ko, mamamatay na ako kaya suwerte lang na nakapunta ako rito, nagmakaawa sa kaibigan ng isang kaibigan,” kuwento ni Doc Willie.


Payo niya sa lahat para makaiwas sa cancer, 'wag daw magbabasa ng mga comments sa Facebook para 'di ma-stress sa mga bashers. 


Sinabihan na rin daw si Doc Willie na ang cancer na tumama sa kanya ay mahirap na kalaban kaya miracle na lang ang kailangan para gumaling. 


As of now ay wala siyang binanggit kung hanggang kailan siya mananatili sa ibang bansa pero humihingi siya ng panalangin na sana ay maging okay ang lahat.


Nalungkot kami habang pinanonood namin si Doc Willie Ong sa vlog niya dahil siya ang parating nagbibigay ng health tips sa lahat, pero heto ngayon, siya naman ang may matinding sakit. 


Hangad namin ang agarang paggaling mo, Doc Willie Ong.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page