Na-dismiss na criminal at administrative complaints vs. ilang pulis, silipin!

ni Ryan Sison - @Boses | December 26, 2020
Kasunod ng insidente ng pamamaril ng pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac, muling naungkat ang mga insidente ng karahasan na kinasangkutan ng ilang kapulisan sa mga nakaraang taon.
Dahil dito, ikinaalarma ng isang mambabatas ang dismissal ng mga criminal at administrative complaints laban sa mga pulis sa nakalipas na sampung taon. Karamihan umano sa mga reklamong ito ay nagbunsod sa kakulangan ng ebidensiya.
Inihalimbawa nito ang mga kaso noong nakaraang taon laban kay Police Master Sergeant Jonel Nuezca, ang suspek sa pamamaril sa mag-ina, kamakailan.
Aniya, hindi dapat dedmahin ng Kongreso ang mga karumal-dumal na krimen na kinasasangkutan ng mga pulis.
Maaari umanong maglunsad ng motu propio investigation ang House Committee on Justice at Committee on Public Order and Safety para silipin ang criminal at administrative complaints laban sa mga pulis laban sa nakalipas na 10 taon.
Kapag napatunayang sangkot sa krimen ang isang pulis, dapat parusahan agad. Hindi ‘yung may kaso na nga, patuloy pang nakapagbibigay-serbisyo kuno.
Nakadidimaya dahil sa halip na pagbayaran ng mga pulis na ito ang kanilang kasalanan, ayan at malaya pa rin sila.
Ang isa pang nakadidismaya, damay pati ang matitinong pulis dahil sa pagkakasala ng iba.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, panagutin ang dapat managot para malaman ng taumbayan na may hustisya sa ating bansa.
Ibalik natin ang tiwala ng publiko sa kapulisan, kaya plis lang, pag-aralang mabuti ang mga reklamo laban sa pasaway na pulis. ‘Wag hayaang makalusot ang mga ito dahil lang may posisyon sila sa gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments