Mungkahing optional na pagsusuot ng facemask, pinalagan
ni Ryan Sison - @Boses | June 4, 2022
Sa gitna ng pagtutulak ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na alisin na ang “state of public health emergency” sa bansa dahil sa COVID-19, nais din nitong maging optional ang pagsusuot ng facemask.
Base sa datos, lagpas isang buwan nang hindi sumasampa sa 300 ang bilang ng bagong COVID-19 cases kada araw sa kabila ng malalaking pagtitipon noong panahon ng kampanya at eleksyon.
Gayunman, sa kabilang banda, tutol dito ang ilang eksperto. Paliwanag ni Dr. Guido David ng OCTA research group, hindi madaling tanggalin ang mandatory facemask sa lalong madaling panahon. Inihalimbawa nito ang nangyari sa New York, kung saan matapos tanggalin ang facemask ay nagkaroon ng BA.2.12.1, na naging dahilan upang ibalik din ang facemask.
Kung mananatili aniyang mababa ang mga kaso sa mga susunod na buwan, maaaring pag-aralan ang pagluluwag sa paggamit ng facemask sa labas.
Samantala, sang-ayon dito ang isang infectious disease expert kahit hindi umano tumaas ang bilang ng malalang kaso ng COVID-19 sa bansa sa loob ng ilang buwan at hanggang walang sumusulpot na panibagong variant of concern.
Bagama’t bumaba na rin ang nadadagdag na COVID-19 cases sa buong mundo, gayundin ang bilang ng mga namamatay sa sakit, iginiit ng World Health Organization (WHO) na dapat maging maingat sa pagtingin ng mga datos dahil lumiliit din ang bilang ng mga sumasailalim sa COVID-19 tests sa maraming bansa.
Sa totoo lang, hindi nawawala ang kagustuhan nating magpatuloy ang mga pagluluwag sa health protocols. Pero kailangan din nating tandaan na hindi pa rin nawawala ang banta ng sakit.
At ang patuloy na pagsusuot ng facemask ang pangunahing hakbang upang maiwasan ang hawahan.
Tandaan, hindi porke ginagawa na ng ilang bansa ay kailangan na rin nating gawin. Kumbaga, kung hindi pa uubra sa atin, hindi natin kailangang ipilit.
Marami pang kailangang bantayan at pag-aralan. Ngunit sa ngayon, pokus muna tayo sa mga hakbang na ginagawa natin upang maipagpatuloy pa ang pagbaba ng bagong COVID-19 cases.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments