top of page

Multo, wala o naglipana?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 25, 2023
  • 2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 25, 2023


Isa sa maipagmamalaking tradisyon ng mga Pilipino na nagbubuklod sa bawat pamilya saan mang panig ng bansa ay ang paggunita sa ating mga yumaong mahal sa buhay.


Ilang araw na lamang, tutungo na tayo sa mga libingan o kolumbaryo para ipagdiwang ang Undas at magtulos ng kandila kasabay ang mataimtim na panalangin.


Sa impluwensya ng mga banyagang bansa, ipinagdiriwang rin natin ang Halloween kung saan ang mga pamilya, organisasyon o komunidad ay nagsasama-sama at nagkakatuwaan habang nakabihis ng katatakutang kasuotan.


Sa gitna ng nalalapit na Araw ng mga Patay, marami naman ang nagtatanong kung totoo nga ba ang multo o kathang-isip lamang?


Ayon sa depinisyon, ang multo o ghost ay espiritu o kaluluwa ng mga namatay na tao o hayop na nagpapakita o nagpaparamdam sa mga buhay pa habang sila ay gising at hindi nananaginip lamang.


Ang tinatawag namang “supernatural beings” ay mga alagad ng kabutihan na hindi nagdudulot sa atin ng takot o kabalisahan kundi kapayapaan, o sa kabilang banda ay mga puwersa na kampon ng kasamaan.


Sa siyensya, walang katibayan o katunayan na mayroon ngang multo.


Sa Banal na Aklat, malinaw ang diskusyon tungkol sa buhay matapos ang kamatayan o ang tinatawag na “life after death”. Ipinunto rito na kapag ang isang tao ay pumanaw at lumisan na sa daigdig ng mga buhay, hindi na siya basta makababalik sa lupa para makipag-ugnayan muli sa kanilang pamilya o kamag-anak na nabubuhay pa.


Sa istorya ng “Mayaman at si Lazaro”, nilinaw doon na kahit gustuhin ng yumaong mayaman na ipadala ang namatay na ring si Lazaro sa bahay ng ama ng mayaman para paalalahanan ang kanyang limang kapatid, hindi ito maaari dahil may bangin na naghihiwalay sa mga yumao at mga buhay.


Nagbigay rin ng babala ang sagradong libro laban sa paggamit ng mga espiritista o “medium” para mamagitan sa pakikipag-usap sa mga buhay at namayapa na.


Naalala ko tuloy noong nasa murang gulang pa ako, kami ng aking mga kaibigan ay walang muwang na naglaro ng “spirit of the glass”. Nakakikilabot ang mga sumunod na pangyayari at kalaunan ay tila sinapian ang kasama naming bata hanggang sa tulungan na kami ng mga nakakatanda. Matapos ang matinding panalangin para sa tinatawag na “deliverance” ay humupa na ang sitwasyon. Kaya huwag nating hamunin o makipaglaro sa mga puwersang supernatural.


Ang haba ng buhay ng isang tao sa daigdig ay wala sa kanyang kamay, at hindi niya dapat itakda tulad ng kanyang pagsilang na hindi rin niya pinili kung paano, kailan at saan. Ang mahalagang hawak natin ay kung paano gugulin ang bawat oras habang mayroon pa tayong panahon dito sa lupa.


Nawa ay maging sapat na ang mabubuting alaalang iniwan ng ating mga yumao upang manatili silang buhay sa ating puso at isipan. Sa kanilang paglisan, nawa ang pagmamahal na ipinadama nila ay pumuno sa ating pagkatao para hindi na tayo malungkot o mabigo sa isang multo.


Kung sama-sama namang aalis ng bahay sa Undas, maging mapagmatyag hindi sa multo kundi sa mga magnanakaw na nag-aabang sa tabi-tabi para sumalisi sa inyo!


Maging asintado laban sa balak ng mga mananamantala!

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 Comment


joseoliveros1947
Oct 25, 2023

Ipinaliwanag ng Panginoong Hesukristo sa mga Saduceo na hindi naniniwala muling pagkabuhay ng mga patay na sa muling pagkabuhay ng mga patay, wala nang lalake o babae, sa halip lahat ay magiging parang mga anghel sa langit. Ipinaalaala din niya sa mga Saduceo na sinabi ng Diyos na si ay ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob. Kung ganoon, Diyos siya ng mga buhay at hindi ng mga patay (Mt. 22:23-33). Tungkol naman sa paggunita ng Araw ng mga Patay, ang lumang tradisyon na ang araw na ito ay para sa pananalangin at paggunita sa alaala ng mga minamahal nating sumakabilang-buhay na. Pero ito ay napalitan ng paganong ritwal na Halloween. Dapat mabalik ang lumang tradisyon na iyon.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page