top of page

Taumbayan, nawawalan na ng tiwala sa gobyerno, delikado ‘yan!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 27, 2025
  • 3 min read

ni Ka Ambo @Bistado | October 27, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Nababahala na ang ordinaryong mamamayan.

Nawawalan na sila ng tiwala sa gobyerno.

Delikado ‘yan.

-----$$$--

SALA-SALABAT kasi ang kaso ng corruption sa lahat ng antas at sangay.

Nawawalan sila ng pag-asa na mahatulan ang mga tunay na may sala.

-----$$$--

HINDI pa rin malinaw ang proseso ng hustisya.

Bakit kinakailangang buuin ang ICI?Hindi ba’t pag-amin ito ng pagiging inutil ng normal na sistema ng pamahalaan?

----$$$--

KAHIT ang ICI ay sinasabing kulang sa ngipin, sapagkat hindi naman ito nilikha ng anumang Republic Act o mismo ng alinmang probisyon ng Konstitusyon.

Mas mainam sana ay palakasin, patibayin at suportahan ang umiiral nang istruktura o sistema ng gobyerno, imbes na lumikha ng isang komisyon batay lamang sa utos o direktiba ng Malacanang.

----$$$--

PAANO kung ang suspek ay nasa loob o nasa paligid ng Malacanang?

Sa ngayon, wasak na wasak ang reputasyon ng Kongreso — Kamara ng mg Representante at Senado.

Sila-sila ang nag-iimbestiga sa kanilang mga “sarili”.

-----$$$--

‘YUNG dati-rating nagtatanong at nambu-bully sa mga inhinyero ng DPWH ay “naging kasama” na ng mga suspek.

‘Yung matataas na opisyal ng DPWH na kumakastigo sa mga inhinyero — ay kasama na rin sa mga suspek.

Paano ‘yan?

-----$$$--

MAY natitira pa bang kahihiyan ang mga bumubuo ng Kamara at Senado?

Sa ibang bansa, sa ilalim ng parliamentary form of government, mabilis na binubuwag ang parlamento at nagtatakda ng eleksyon.

----$$$--

SA parlamento, kapag nawalan na ng tiwala ang publiko, nagkukusa ang Prime Minister na magbitiw — at mabilis na naghahalal ng kanyang kapalit.

Pero, iyan ay sa pasubaling hindi mandarambong, kawatan at talipandas ang mga nahahalal na mambabatas.

-----$$$--

ANG ganyang sistema ay hindi puwede sa Pilipinas.

Una, ‘corrupt’ mismo ang mga botante.

Karaniwang ibinoboto nila ay kung sino ang personal nilang paboritong personalidad — artista, atleta o media.

Hindi pinagbabatayan ng mayorya ng mga botante ang kuwalipikasyon o kakayahang makagawa ng batas.

-----$$$--

MAS marami sa mga botante ay tumatanggap ng pabor sa lider ng mga pulitiko — tulad ng libreng pagkain, salapi at iba pa.

Ang mga incumbent politician — ay aktuwal na nilulustay ang pondo para bigyan ng “pabor” ang mga botante — na inaalagaan ng ayuda -- hindi batay sa pangangailangan ng benepisyaryo, bagkus ay base sa pangangailangan ng pulitiko sa panahon ng eleksyon.

Advance “vote buying” ang tawag diyan.

Paano sila matatalo? Paano sila mapapalayas sa city hall at mga munisipyo?

-----$$$--

HINDI pa nasiyahan, maaanggihan pa sila ng mga “insertion projects” o “discretionary project” kung saan dispalinghado ang proyekto o dili kaya’y garapalang ghost projects.

Hindi kayang imbestigahan ng ICI ang lahat ng katiwalian.

Hindi ba kayo marunong ng “matematika”?

------$$$--

MAIIMBESTIGAHAN ba o matatapos ng “tatlo kataong ICI, ang multi-bilyones” na katiwalian?

Maawa kayo.

Gumamit kayo ng sintido kumon.

-----$$$--

DISPLAY-DISPLAY lang ang lahat.

Hindi natin makukumbinsi ang mayoryang ordinaryong Pinoy sa “eksena” at “propaganda”.

-----$$$--

SA totoo lang, wala nang pag-asa sa proseso ng hudikatura.

Ang tunay kasing “hukom” sa isang demokratikong gobyerno — ay ang mga botante.

----$$$--

TUWING eleksyon -- ang tunay na araw ng “paghuhukom”.

Ang problema, ‘yung hukom ay humahatol batay sa “dami ng sobre at bigas” na natanggap.

----$$$--

ITO ring mga “hukom cum botante” na ito ay ngakngak nang ngakngak sa talamak na katiwalian.

Pero pagdating ng halalan, ‘yun pa rin ang kanilang ibinoboto nang paulit-ulit — mga propesyonal na talipandas!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page