Multa sa overloading ng sasakyan, masyadong mababa kaya ‘di sineseryoso
- BULGAR
- Nov 21, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 21, 2022
Pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya laban sa overloading ng mga sasakyan sa bansa.
Ito ay matapos magpalabas ng kautusan si LTO Chief Jay Art Tugade, na layong paigtingin ang anti-overloading campaign ng ahensya bilang adbokasiya nito sa road safety.
Kaugnay nito, umabot sa 91 overloaded na mga sasakyan ang nahuli ng LTO na lumabag sa Anti-Overloading Act of 2000 sa Tabang Weighbridge Station, Guiguinto, Bulacan sa tulong ng mga tauhan ng DPWH at LTO Region 3 operatives.
Ang mga nahuling may overloaded vehicles ay kinumpiskahan ng driver’s license at inisyuhan ng traffic violation receipt.
Sa ilalim ng LTO rules, ang lalabag sa naturang batas ay magbabayad ng P1,000 multa at dagdag na 25% ng motor vehicles user charge.
Sa tagal nang umiiral ng batas, nakadidismaya na hanggang ngayon ay marami pa ring lumalabag. Ang masaklap, kadalasa'y malalaking sasakyan ang mga nahuhuli.
Gayunman, mabuting pinaiigting ang kampanya para mabawasan ang mga pasaway na drayber at matiyak ang kaligtasan sa kalsada.
Marahil ay masyadong magaan ang parusa, kaya hanggang ngayon ay hindi sineseryoso ang batas at marami pa ring pasaway.
Kaya naman kung kinakailangan, pag-aralan kung uubra na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga lalabag para magtanda at hindi na tularan ng iba.
Hindi maaaring malagay sa alanganin ang kaligtasan ng driver at kanilang mga kapwa motorista, kaya maliit man o malaki ang dalang sasakyan, huwag nating kalimutan na dapat iprayoridad ang road safety sa lahat ng pagkakataon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments