top of page

Multa at parusa sa mga pasaway na TNVS drivers

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | December 13, 2025



Boses by Ryan Sison


Matagal nang reklamo ng mga commuter ang biglaang pag-cancel ng booking ng ilang TNVS drivers, isang ugaling hindi lang nakakainis, kundi nakakasira sa mismong layunin ng modernong transport system na dapat ay naghahatid sa kanila ng maayos, pantay, at disente na serbisyo. 


Kaya tama lamang na higpitan at parusahan ang sinumang driver na ginagawang laro ang oras ng mga commuter.


Naglabas ng bagong panuntunan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga TNVS drivers na basta-basta na lang nagkakansela ng booking.


Ayon sa ahensya, hindi na katanggap-tanggap ang patuloy na pang-aabuso sa sistema, lalo na’t ang commuters ang diretso nitong pinapahirapan. Ang memorandum circular na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang kapakanan ng mga pasahero at gawing patas ang serbisyo ng transport sector.

Sa ilalim ng LTFRB MC 2025-055, itinuturing nang paglabag ang driver-initiated cancellations.


Mabigat ang ipapataw na parusa sa kung sino ang lalabag, magkakaroon ng ₱5,000 sa unang offense, ₱10,000 at 30-day impound sa pangalawa, at ₱15,000 at kanselasyon ng prangkisa sa susunod. Hindi na puwedeng gamiting palusot ang trapiko, short trips, o pagpili ng mas mataas na pamasahe.


Binibigyang-diin ni LTFRB Chair Vigor Mendoza II na ang ganitong pag-uugali ay direktang paglapastangan sa oras ng pasahero. Ang iba, umano, ginagawa pa itong modus, tatanggap ng booking, pero kakanselahin kapag hindi pabor ang biyahe o mababa ang bayad. May mga kaso ring nadadamay ang senior citizens, PWDs, o mismong pasaherong nasa biyahe na.


Gagamitin ng LTFRB ang logs ng transport network companies (TNCs) para matukoy kung may pattern ng diskriminasyon o sadyang pag-iwas sa ilang lugar, oras, o pasahero. Inatasan din ang TNCs na magsumite ng buwanang ulat tungkol sa cancellations at pangalan ng drivers na paulit-ulit ang paglabag.


Hindi naman pang lahat ang batas, hindi kasama sa penalized cancellations ang mga

insidenteng may kinalaman sa natural calamities, biglaang sira ang sasakyan, o seryosong maling asal ng pasahero. May kaparusahan din ang mismong TNCs kapag hindi nila sinusupil ang pasaway na drivers, kabilang ang multa, suspensyon, o pagbawi ng accreditation.


Sa bagong tuntuning ito, malinaw na hindi na puwedeng gawing negosyo ang pang-aabuso sa oras ng tao. Ang TNVS ay hindi dapat pumili ng pasahero. Kung bahagi ka ng serbisyong pambiyahe, trabaho mo ang maghatid sa kanila sa kanilang paroroonan.


Sa ating bansa kung saan araw-araw nang natin laban ang pag-commute, malaking bagay ang mga hakbang na tulad nito. Tama lang na bigyan ng parusa ang TNVS drivers na inuuna ang kita kaysa obligasyon.


Ang transport service ay hindi dapat nakabase sa kung ano ang gusto ng driver, ito ay responsibilidad. Kung seryoso ang ‘Pinas na maging moderno ang ating bansa, ang kinakailangan lang ay tamang pag-respeto sa oras, dignidad, at karapatan ng mga pasahero.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page