Multa at kasong kriminal sa lumabag sa LPG law
- BULGAR
- Sep 7, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 7, 2023
Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na mabigat na parusa ang ipapataw sa mga hindi awtorisadong nagbebenta ng liquefied petroleum gas (LPG) sa ilalim ng ipinapatupad na batas.
Ayon kay DOE Senior Science Research Specialist Robert Cardinales, maaaring mapatawan ng malaking multa ang mga negosyante sa industriya ng LPG na may mga ilegal na aktibidad at mapatunayang lumalabag sa LPG Law o ang Republic Act 11592 o “LPG Industry Regulation Act.”
Sa ilalim ng nasabing batas, sinabi ni Cardinales na ang mga mahuhuling nagbebenta ng LPG ng walang License to Operate (LTO) ay posibleng pagmultahin ng P5,000 kada araw, at ang mga paulit-ulit na paglabag ay maaaring kasuhan ng mga kriminal na kaso, pagsasara ng negosyo, at habambuhay na diskuwalipikasyon sa industriya.
Binigyang-diin ni Cardinales ang mahigpit na pagpapatupad ng RA 11592, habang inaasahan ng ahensya ang pagsunod ng lahat ng kasapi sa industriya ng LPG sa mga licensing requirement at safety and code of practice.
Matatandaan na nagbigay ang DOE ng anim na buwang palugit sa pagkuha ng wastong lisensya, mula Enero na nag-expire noong Hulyo 6, 2023 para sa lahat ng mga nagtitinda nito. Subalit, ayon sa kagawaran napuna nila na marami pa rin ang hindi sumusunod, kaya patuloy na tinatanggap at ipinoproseso ang mga aplikasyon para sa pag-isyu ng mga pahintulot sa mga kuwalipikadong LPG.
Paliwanag ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, na wala silang extension pero hindi ibig sabihin ay bawal nang mag-apply, kaya lang aniya, paso na ang lisensya nito sa ngayon.
Kaugnay nito, mula noong Hulyo, ang mga tauhan ng DOE, kasama si Cardinales, ay nagsasagawa ng nationwide inspection sa mga LPG retailers, dealers, refillers, transporters, refineries, at importers, kung saan layon ng mga inspeksyong ito na tiyakin ang pagsunod sa mga licensing requirements at safety standards. Kabilang sa mga huling sinuri ay ang mga lalawigan ng Rizal at Quezon.
Panawagan naman ng DOE sa publiko na i-report sa kanila ang anumang ilegal na aktibidad na ginagawa ng mga negosyante ng LPG sa kanilang mga lugar.
Mainam ang inilabas na patakaran ng naturang kagawaran dahil sa magdadalawang-isip ang mga LPG retailers, dealers at iba pa na gumawa ng ilegal na aktibidad.
Sa bigat ng maaaring ipataw na parusa, dapat lang sigurong sumunod na lamang sa ipinatutupad na batas, dahil kung hindi tayo rin ang mahihirapan sa malaking multang babayaran kada araw at posibleng tuluyan pang ipasara ang ating mga negosyo.
Bukod dito, matitiyak din natin na legal at safe ang ating mga negosyo. Kaya mas mabuting gawin natin ang tama.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments