top of page

Muling masisira ang M. MNL, kahit wa' na tayo paki sa away ng US at China

  • BULGAR
  • Oct 24, 2022
  • 3 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | October 24, 2022


Tinuldukan ni Senator Francis Tolentino ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa diumano'y mga overpriced at lumang laptop na binili ng DBM para sa DepEd.


Dapat mag-move on na ang mga nangingialam.


◘◘◘


TINAPOS na ang pagdinig nang hindi narinig ang panig at opinyon ng ilang resource persons.

Sa limang hearing ng komite, may nakita umanong irregularidad bago pa magpa-bidding para sa laptop contract.


Ibig sabihin, labas na ang supplier sa naturang isyu dahil natupad din namang lahat ang nakasaad sa in-award sa kanilang kontrata.


◘◘◘


NAGANAP ang proseso ng pagbili sa kasagsagan ng pandemic.

Kinukuwestiyun ngayon ay kung bakit ginamit sa video conferencing app ang Bluejeans apps na may free trial pero may bayad na kinalaunan.

Bakit hindi ginamit ang libreng “Zoom” at “Google Meet”?


Bakit kaya?


◘◘◘


MAS popular at simple ang Zoom at Google Meet kaysa sa Bluejeans, kaya’t nahirapan ang ilang resource persons at may ilang senador din ang hindi nakasali sa usapan.

Kakaunti lang ang personalidad na dumalo sa hearing tulad nina Tolentino, Senate Minority Leader Koko Pimentel at Sen. Sherwin Gatchalian.

Bandang huli ay si Sen. Robin Padilla na lang ang kasama ni Tolentino sa hearing.


Nagpakita lang sandali si Pimentel at nagtanong pero umalis din agad.


◘◘◘


KUNG hindi dumalo si Sen. Jinggoy Estrada ng dalawang beses ay hindi pa mabubuking na tila ba may pinapaboran palang iilang supplier ng mga laptop at iba pang gamit ang DepEd.


Ito palang nag-supply ng mga laptop na naging paksa ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ay first time lang nanalo sa bidding.


◘◘◘


NAPURNADA sa bidding ang supplier na suki ng DepEd. Ilang beses ng nakakuha ng malalaking kontrata ito DepEd.

At ito rin ay palaging present sa hearing at binibigyang-pagkakataon na makapagpaliwanag.

Gustong palabasin na ang naturang “supplier” ang dapat manalo sa bidding pero napurnada.


Alam na this ang agenda.


◘◘◘


TAPOS na ang pagdinig at ang mga nais pang magbigay ng panig ay pinagsusumite na lamang ng memorandum.

Bakit tinapos agad at hindi binusisi ang lahat ng panig?


Maghintay na lang tayo ng “resolusyon” ng Komite.


◘◘◘


MALINAW na walang sinabi ang COA na hindi sumunod ang supplier sa mga nakasaad sa mga requirements ng DepEd at sa laptop contract.

Wala ring sinabi ang COA na ilegal o maling ginawa ng nanalong supplier.

Malinaw na wala sa supplier ang problema, bagkus ay nasa mga opisyal ng PS-DBM at DepEd.


Ganun lang kasimple.


◘◘◘


PINATALSIK sa Communist Party Congress ng China si Hu Jintao, ang dating lider ng Mainland China.


Ngayon, matatag na ang hawak ni Xie Jin Ping sa liderato ng Beijing.


◘◘◘


MAY naniniwala na desidido si Xie na sakmalin ang Taiwan at kopyahin ang ginawa ni Vladimir Putin sa Ukraine.


Hindi naman naidepensa ng US at NATO ang Ukraine at sa loob ng higit na anim na buwan—nasa loob pa rin ng Ukraine ang Russia forces.


◘◘◘


NOON, inaakala ng buong mundo na kung sakaling sakmalin ng Russia ang Ukraine, direktang kokomprontahin at idedepensa ng US at NATO ang naturang bansa, pero hindi ito nagkatotoo.


Sa aktwal, ginawang “battle ground” ang Ukraine sa away ng Russia at US-NATO.


◘◘◘


MADALI nating matutukoy ngayon kung ano ang senaryo kapag sinalakay ng China ang Taiwan.


Mapapasok ng China ang Taiwan at posibleng walang direktang komprontasyon ang dalawang superpower tulad sa nagaganap sa Ukraine.


◘◘◘


WALANG sinasabi ang Washington na direktang sasagupain ng Pentagon forces ang puwersa ng China, maliban sa katagang “depensa”.


'Yan mismo ang sitwasyon sa Ukraine: Tumutulong lang ang US at NATO sa “depensa ng Ukraine”, kaya’t nagtatagal ang giyera.


◘◘◘


DAPAT lantarang sabihin ng US na handa silang makipag-dog fight sa Chinese forces sa himpapawid at sa karagatan.

Dapat direktang salubungin ng US air force ang alinmang jet fighter na papasok sa Taiwan at direktang bobombahin ng US 7-fleet ang mga barko de-giyera ng China sakaling dumikit sa isla ng Taiwan.


Dapat ganyan kalinaw ang pahayag.


◘◘◘


KUNG naghahanda ang Taiwan sa pagkubkob ng China, dapat na rin maghanda ang Pilipinas sa giyera na puwedeng maging mitsa ng Ikatlong digmaang pandaigdig.


Muling masisira ang Metro Manila, kahit wala tayong “pakialam” sa away ng US at China.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page