Text scammers, ilantad sa publiko, ikulong
- BULGAR
- Sep 19, 2023
- 2 min read
@Editorial | September 19, 2023
Muling dumami ang mga natatanggap na spam text at links mula sa mga hindi kilalang numero, sa kabila ng ipinatutupad na SIM registration.
Gayunman, binigyang-diin ng mga awtoridad na hindi naman nasasayang ang pagre-report ng publiko ng mga phishing scheme messages.
Ayon sa Regulatory Affairs ng SC Incorporated, nasa 24,000 mobile numbers ang kanilang permanenteng na-deactivate, isang buwan pagkatapos ng SIM card registration deadline.
Nabatid na karamihan sa mga numerong ginagamit sa ilegal na gawain ay pawang imported at hindi ang mga nabibili sa local telco ng ating bansa. Tiniyak din na magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa kabila ng pag-deactivate ng libu-libong SIM card numbers.
Gaya ng panawagan at hamon ng marami, dapat nang sampolan ng mga awtoridad ang mga lumalabag sa Subscriber Identity Module (SIM) Registration Law sa pamamagitan ng pag-aresto at pagpataw ng parusa.
Nar’yan na ang batas na binuo para proteksyunan ang publiko laban sa mga masasamang loob, ang kulang na lang ay ang epektibong pagpapatupad ng mga concerned agency, law enforcer at telecommunications companies (telcos).
Ngayon na ang panahon para iparanas sa mga scammers ang parusa sa ginagawa nilang panloloko.
Kapag may nakitang nahuli at ikinulong na scammer, kahit paano ay mababawasan ang mga pumapasok sa pagbebenta ng pre-registered na SIM.
Itong mga nire-raid na cybercrime hubs, ilantad ang mga boss na nag-o-operate ng mga 'yan, hindi puwedeng mga tauhan lang ang hinuhuli.
Wala ng dahilan para palampasin ang gawaing ito dahil may batas na.
Siyempre, hindi naman ito kakayanin ng gobyerno lang, kailangan pa rin ang tulong ng mga may kaugnayang kumpanya at ng mismong publiko. Dapat magtulungan ang mga ahensya ng gobyerno at telcos para palakasin ang mekanismo sa pag-ulat tungkol sa text scams at mga kaugnay na pandaraya.
Kailangang pag-aralan kung paano pa mas mapapalakas ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas.



Comments