Mula sa M'cañang, Senado, Kamara, pinangalanan... pasabog sa male-maletang pera — Ex-Marines
- BULGAR

- 12 hours ago
- 5 min read
ni Mylene Alfonso @News | June 5, 2026

Photo: Alan Peter Cayetano / SS FB
Inakusahan ng mga nagpakilalang dating miyembro ng Marines na naghatid sila mismo ng mga maleta na may lamang pera kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Senators Vicente "Tito" Sotto III at Erwin Tulfo, Representative Leila de Lima, at dating Cong. France Castro.
Sa isinagawang pagdinig ng Senado kaugnay sa umano’y anomalya sa flood control projects na pinangunahan ni Sen. Pia Cayetano, sinabi ni Johnny Buduan na noong 2022 ay naghatid umano sila ng limang maleta sa Ilocos Norte.
Ayon kay Buduan, isinakay nila ng kanyang mga kasama ang mga maleta sa isang bulletproof na Lexus na may kasamang itim na bulletproof na Toyota Hilux.
Nang tanungin kung para kanino ang ipinadalang mga maleta, sinabi ni Buduan na ang narinig lamang niya ay para umano ito kay Pangulong Marcos.
“Ang narinig ko po noon ay para kay President Marcos, sir,” wika pa niya. Nilinaw ni Buduan na sila ng kanyang grupo ang nagdala ng mga maleta sa “Delta Gate,” habang sina Sgt. Belnard Tube at si “Boss Zaldy” o Zaldy Co umano ang nagpatuloy sa paghahatid nito sa Ilocos Norte.
Sinabi ni Belnard Tube na nagtungo rin siya sa Paoay, Ilocos Norte, ngunit hindi niya maibigay ang eksaktong address ng lugar na kanilang pinuntahan dahil gabi na nang dumating sila roon.
Inilarawan ni Tube ang lugar bilang isang bahay na malapit sa anyong tubig, at sinabi niyang nakakita siya roon ng mga litrato ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at iba pang miyembro ng pamilyang Marcos sa loob ng naturang bahay. “Letter U na bahay,” saad pa ni Tube na bukod sa mga litrato ng pamilya, may nakita rin umano silang telepono sa loob ng bahay na may nakalagay na mga pangalan ng mga miyembro ng pamilya ni ex-Pres. Ferdinand Marcos Sr.
Nang tanungin ni Sen. Imee Marcos kung nakita ba niya ang mga miyembro ng pamilya Marcos sa naturang pagbisita, sinabi ni Tube na nauna umanong dumating si Rep. Sandro Marcos, kasunod si PBBM saka si FL Liza.
Idinagdag pa ni Tube na nag-overnight umano ang kanilang grupo sa naturang lugar at bumalik sa Maynila kinabukasan ng umaga.
Kaugnay nito, hinamon ng Malacañang ang mga dating Marines na magpakita ng ebidensya para sa kanilang mga alegasyon.
“Pakita muna nila ‘yung ebidensya. Madali kasing magturo, lalo na kung ang balak mo lang naman talaga ay manggiba at magsilbing isang obstructionist or destabilizer,” wika ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa press briefing.
Sa pagtatanong, sinabi rin ni Buduan na kabilang si Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez sa mga tumanggap ng mga maletang kanilang inihatid.
Ayon kay Buduan, kasama siya sa paghahatid ng tinatayang 60 hanggang 70 “maleta” tatlo hanggang apat na beses kada linggo sa iba’t ibang mga tumatanggap.
Una nang itinanggi ni Romualdez na nakatanggap siya ng mga maletang may lamang pera.
Samantala, sinabi ni Benny Bulontante na kabilang siya sa advance team na inatasang pumunta sa isang gusali sa Baclaran na umano’y may kaugnayan kay Sotto bago dumating si Co at ang kanyang mga kasama.
“Nauna kami sa area kasi in-advise-an kami ng team leader namin na mag-proceed na sa building ni Tito Sotto sa Baclaran,” wika ni Bulontante.
Ayon kay Bulontante, limang malalaking maleta ang dinala sa naturang lugar noong bandang 2024, bago pa magsimula ang panahon ng kampanya para sa eleksyon. Ipinahayag niya na nang dumating si Co, ang mga maleta ay dinala sa pamamagitan ng basement at isinakay sa elevator kasama ang ilang mga indibidwal na kasama ni Co. Nang tanungin kung ano ang laman ng mga maleta, sinabi ni Bulontante na naglalaman umano ang mga ito ng pera.
Ayon kay Bulontante, ang limang maleta ay pawang malalaki ang sukat. Ayon naman kay Sotto, hindi niya bibigyang-pansin ang akusasyon dahil hindi na siya senador mula 2022 hanggang 2025. Dagdag pa niya, namatay na noong 2015 ang taong umano’y tumanggap ng mga sinasabing maleta. Tinawag din niya ang pagdinig bogus investigation in aid of destabilization."
Sa pagdinig, binanggit din ni Senador Alan Peter Cayetano ang testimonya na tumutukoy kay Tulfo. Sinabi ni Bernard Gumban na personal siyang nakibahagi sa dalawang delivery na umano’y para kay Tulfo.
“Nakapag-deliver po ako kay Senator Erwin Tulfo ng dalawang beses,” ani Gumban. Ayon pa kay Gumban, ang unang delivery ay may dalawang maleta isang maliit at isang katamtamang laki habang ang ikalawang delivery ay may anim na maleta na iba-iba ang laki. Aniya, dinala ang mga naturang delivery sa isang tirahan sa Greenhills.
Nang tanungin kung paano niya nalaman na ang bahay ay pag-aari ni Tulfo, sinabi ni Gumban na tinanong niya ang isang indibidwal na kinilala bilang Mark Tecsay. “Sabi ko, ‘Boss Mark, kaninong bahay ito?’ Sabi niya, ‘Kay Senator Erwin,’” patuloy ni Gumban.
Sa isang pahayag, itinanggi ni Tulfo ang mga akusasyon at sinabi na maging ang kanyang akusado ay naguluhan na sa mga detalye.
Ayon sa isa pang saksi, madalas umanong makipagkita si Castro kay Co sa kanyang congressional office at maging sa isang townhouse.
Pinangalanan din ng ex-Marines ang ilang kasalukuyan at dating kongresista na mga umano’y tumanggap ng mga maletang naglalaman ng pera. Kabilang sa mga binanggit sina Terry Ridon, Leila de Lima, France Castro, Arlene Brosas, Ace Barbers, Dan Fernandez, Raoul Manuel at Stella Quimbo.
Nadawit din sa alegasyon sina Sandro Marcos, Gerville Luistro, Benny Abante, Zia Adiong, Jose Alvarez, Joel Chua, Janette Garin.
FR. FLAVIE, NAKATANGGAP NG 'SOBRE' AT 'MALETA'
ISA sa mga alegasyong lumutang sa flood control hearing ang sinabi ng dating miyembro ng Philippine Marine Corps na si Jowly Cadiao na siya umano mismo ang naghatid ng sobre at maleta para kay Fr. Flavie Villanueva.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Cadiao na dinala niya ang pera sa isang simbahan sa Mindanao Avenue at kalauna'y naghatid din umano ng maleta sa isa pang lokasyon para sa pari.
“Maleta sir, binuhat ko papunta sa sasakyan niya,” ani Cadiao.
Idinagdag pa niya na nakasuot umano si Villanueva ng itim na kasuotang pang-pari nang mangyari ang insidente.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Fr. Villanueva kaugnay ng alegasyong iniharap sa pagdinig.
TRILLANES, TUMANGGAP NG MALETA, NAKIPAGSABWATAN SA ICC
ISINIWALAT ng ilang ex-Marines sa Senado na nakipagkita umano si dating Speaker Martin Romualdez at ex-Senator Antonio Trillanes sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) simula Disyembre 2023.
Ayon sa isang witness na dati umanong staff ni Zaldy Co, isang grupo ng mga dating sundalo ang nagbibigay ng security kay Chantal Daniels na kasapi ng ICC.
Aniya, nakipagkita umano si Trillanes sa ICC sa isang hotel sa Makati.
Sinabi naman ng isang witness na nagpapalit umano siya ng 2 maleta na may lamang P50 milyon-P60 milyon kada isa sa dolyar para umano ibigay sa ICC.
Mariing namang pinabulaanan ni Trillanes ang mga alegasyong nakatanggap umano siya ng mga male-maletang pera para lamang makipag-ugnayan sa ilang mga tauhan ng ICC upang makapagsagawa ng imbestigasyon sa bansa, para maisulong ang kasong "crimes against humanity" kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
ERWIN, HINAHATIRAN NG 5 BABAE SA HOTEL
SA ginanap na Blue Ribbon Committee hearing ng paksyon ni Sen. Alan Peter Cayetano kahapon, tahasang pinangalanan ng dalawa sa 18 nagpakilalang “former Marine soldiers” si Sen. Erwin Tulfo na sangkot diumano sa human trafficking activities.
Ayon sa resource speakers, ilang beses silang naghatid ng babae sa hotel room ni Tulfo kung saan ang senador umano mismo ang sumasalubong.
"Maraming beses po ‘yan. Hindi lang po sa Maidas (Hotel), mayroon din po sa Shangri-La. Lima, tatlo po ang dinadala (kong babae),” ayon sa isa sa kanila.





Comments