top of page

MTB Queen Dormitorio may tsansa sa Olympics

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 23, 2020
  • 2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | September 23, 2020




Maganda ang pag-asa na may kinatawan ang Pilipinas sa Mountain Bike sa Tokyo Olympics bunga ng mahusay na pinapakita ni Ariana Dormitorio. Ito ang magandang balita na binahagi ni Rep. Abraham Tolentino, ang Presidente ng Philippine Olympic Committee at Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) sa kanyang pagharap sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Online Forum Martes ng umaga.


Kasalukuyang pang-apat si Dormitorio sa buong Asya at apat na siklista lang ang kukunin sa kontinente subalit maaaring umangat sa ikatlo ang Pinay dahil ang nangungunang Haponesa ay pasok na bilang punong abala. Kailangan maalagaan niya ang kanyang katayuan sa paglahok sa mga parating na karera.


Umaasa din si Rep. Tolentino na makalahok din tayo sa BMX sa pangunguna ni dating Asian Games gold medallist Daniel Caluag. Subalit hindi na makakasali ang Pilipinas sa Road Cycling.


Binigay na dahilan ang kamahalan ng mga gadget na ginagamit ngayon para sa mga virtual na karera na ginagawang qualifier para sa Tokyo. Inamin din ni Tolentino na marami silang mga nakatakdang karera sa buong bansa na napaliban dahil sa pandemya ngunit umaasa siya na makakabalik din ang mga karera oras na magkaroon na ng bakuna para sa COVID-19.


Nagulat din si Rep. Tolentino sa dami ng siklistang tumungo sa kanyang lugar na Tagaytay City matapos ito buksan muli sa mga turista noong nakaraang linggo. Sisikapin niya na magkaroon ng mas maraming bicycle lanes sa bansa dahil ang pag-bisikleta ay bahagi na ng tinaguriang new normal.

Samantala, makukuha na ng tinatayang 1,820 na pambansang atleta at kanilang mga coach ang balanse ng kanilang mga allowance na naantala sa mga nakaraang buwan ng pandemya. Pirmado na ang Bayanihan Recover As One Act 2 bilang batas at hinihintay na lang ang aksyon ng Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Budget and Management (DBM) para malabas ang pondo.


Isusulong din ng POC sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan na mag-ensayo muli ang mga pambansang atleta sa 19 disiplina na may pag-asa pang makapasok sa Tokyo Olympics. Maaaring magsimula ito sa Nobyembre at kasama din diyan ang paghahanda para sa iba pang mga malalaking pandaigdigang palaro gaya ng Asian Indoor and Martial Arts Games sa Thailand sa Hunyo at ang 31st Southeast Asian Games sa Vietnam sa Disyembre.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page