top of page
Search
  • BULGAR

Motorista, ‘wag magpabiktima sa ‘fake traffic violation’

@Editorial | May 6, 2024



Editorial


Grabe na talaga ang mga scammer ngayon, walang pinalalampas na pagkakataon, kumita lang ng pera. Marahil ay nabalitaan n’yo na ang lumalaganap ngayong panloloko na ang target ay ang mga motorista.


Ang siste, may magpapadala ng pekeng text message na nagsasabing ang isang tao ay may traffic violation, bagay na ayon sa Land Transportation Office (LTO), ay hindi nila ginagawa. Hindi umano nagse-send ng notice of violation ang ahensya, at ang nasabing sistema ay matagal na umanong hindi gumagana. 


Kaya, anumang message na matatanggap ay tiyak na galing sa scammer, kaya huwag magpapaloko. May ibang text message naman na nagsasabi na dapat magbayad ang user ng multa sa umano’y traffic violation, o kaya ay pangingikil ng pera sa kanilang mga biktima. Mayroong link ang naturang text message na magdadala sa pekeng website ng LTO, na hihingi rin ng mga personal na impormasyon ng mga biktima.


Tandaan, hindi dapat sumagot o makipag-ugnayan sa mga mensaheng ganito, sa halip dapat ay isumbong agad sa kinauukulan. Kaugnay nito, binuksan na ang “Aksyon on the Spot”, isang hotline, hindi lamang laban sa mga online scammer kundi maging sa mga mapang-abusong motorista.


Hinihimok ang publiko na magpadala lamang ng mensahe o magreklamo sa numerong 09292920865 kapag nakakita ng mga mapang-abuso o pasaway na motorista.


Mamimigay din ng stickers sa mga motorista lalo na sa mga magre-renew ng license registration ng kanilang mga sasakyan. Ang layunin nito ay para magamit ang feature ng hotline na mayroong QR code na magbibigay ng access sa mga magrereklamo para pormal na makapaghain ng complaints.


Umaasa tayo na hindi sa hotline natatapos ang laban sa mga scammer at pasaway na motorista, kailangang may managot. Kaya dapat itong maging epektibo, matututukang mabuti at maaaksyunan ang bawat reklamo.  


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page