top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Motorista sa illegal parking, ‘wag pasaway para ‘di maperhuwisyo

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 22, 2024
3 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 22, 2024



Inabot ng tensyon ang isinagawang clearing operation ng pamahalaan laban sa mga ilegal na nakaparadang sasakyan sa ilang lugar sa Metro Manila.  


Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hindi bababa sa walong sasakyan ang nahatak habang nasa kabuuang 22 ang nabigyan ng ticket sa kanilang anti-illegal parking operation sa Quezon City.


Sa ulat, isang may-ari ng sports utility vehicle (SUV) ang nakipagtalo sa MMDA nang tangkaing hilahin ng mga traffic enforcer ang kanyang sasakyan matapos itong isyuhan ng ticket para sa illegal parking sa Anahaw Street sa Barangay Veterans Village, QC. 


Ipinaliwanag ni MMDA Special Operations Strike Force Officer-in-Charge (OIC) Gabriel Go sa may-ari ng SUV na sa ilalim ng traffic laws and regulations sa Pilipinas, kapag ang isang sasakyan ay natiketan, at unattended o hindi nabantayan at hindi mo ito maalis, may karapatan silang i-tow o batakin ito. Aniya pa, binigyan na rin ang may-ari ng sasakyan ng mahigit sa limang minuto para asikasuhin ang kanyang SUV.


Hindi ito ang unang beses na nagsagawa ng clearing operations ang MMDA sa lugar. Muli nila itong ipinatupad dahil na rin sa mga reklamo laban sa mga sasakyang ilegal na nakaparada roon na nagdudulot ng pagbagal at trapik sa naturang kalsada.


Gayundin, sa apat na sasakyan ng isang residente sa lugar, dalawa rito ang hihilahin na sana ng mga enforcer subalit nagkaroon ng tsansa ang car owner na matanggal ang kanilang kable.


Giit pa ni Go na ginagampanan lamang nila ang kanilang tungkulin dahil talagang bawal ang magparada ng sasakyan sa mga kalsada.


Para humupa at hindi na tumindi pa ang tensyon sa lugar, hindi na hinatak ng MMDA ang mga sasakyang ilegal na nakaparada, habang binigyan ng panahon ng kagawaran ang mga car owner na humanap ng mas maayos na puwesto para iparada ang kanilang mga sasakyan.


Sinabi naman ni Veterans Village Barangay Chairwoman Joy Landingin na gumagawa na sila ng ordinansa para sa one-way traffic, one side parking at ongoing na rin ito, upang maiwasan ang matinding trapik sa lugar.


Sa Maynila, nag-isyu rin ng ticket ang MMDA sa mga truck driver na ilegal na nakaparada sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard.


Nahuli rin ng kagawaran, ang mga pedicab na ilegal na dumaraan sa mga national highway.


Pahayag ng isang pedicab driver, nahihirapan sila sa pagbiyahe dahil sa wala aniya silang choice o pagpipilian kundi ang dumaan sa naturang lugar, habang nakikipagsapalaran na lamang sila sa mga truck.


Maganda ang ginagawang clearing operation ng pamahalaan laban sa illegal parking.


Nakakabawas ito ng pagsisikip ng daloy ng trapiko at nagiging maaliwalas pa ang ating lansangan.


Pero kung minsan, may mga pasaway talagang motorista na ibinabalagbag ang kanilang sasakyan at iiwanan sa kalsada, na tila walang pakialam sa ibang mga daraan.


Katwiran nila, naka-park ito sa tapat ng kanilang bahay at wala namang manghuhuli, pero kapag nar’yan at babatakin na ang kanilang sasakyan ay galit pa at nakikipagtalo sa mga enforcer. 


Subalit, may batas nang umiiral hinggil sa mga ilegal na nakaparadang sasakyan at batid naman natin ito.


Marahil, dapat na sumunod na lamang, huwag nang kumontra at ipilit ang gusto natin dahil paglabag ito sa batas at tayo rin ang mapeperhuwisyo. 


Sa kinauukulan, bukod sa totoong ipinatutupad lamang ang batas, sana ay dagdagan pa ang pasensya at laging pairalin ang pang-unawa sa mga kababayan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page