top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Motorcycle taxi, balik-operasyon na

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 25, 2020
1 min read

ni Lolet Abania | October 23, 2020




Balik na ang operasyon ng mga kumpanya ng motorcycle taxi matapos na payagan ng House of Representatives na makabiyahe ang mga ito para ipagpatuloy ang nasimulang pag-aaral na gawing isa sa magiging transportasyon sa bansa, ayon sa Palasyo.


Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, binigyan na ng go-signal ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kasabay ng pag-apruba ng House Transportation Committee na maaari na muling makabiyahe ang mga motorcycle taxi.


Gayundin, nag-isyu na ng guidelines ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) tungkol dito.


“Mabuting balita po 'yan kasi pupuwede naman tayong mag-Angkas o mag-Joyride,” sabi ni Roque sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes.


Nauna rito, nagpahayag ang hepe ng Angkas transport na si George Royeca na ang kanilang grupo ay handa nang magserbisyo sa mga commuters.


Tiniyak din ni Royeca na sinanay ang lahat ng partner-drivers ng Angkas ng tamang pagdi-disinfect ng kani-kanyang sasakyan kada matapos ang biyahe nito.


Dagdag pa ni Royeca, ipapatupad ng nasabing kumpanya ang cashless payment, ang pagkakaroon ng barriers na IATF-approved sa pagitan ng rider at pasahero at walang ipapahiram na helmet.


Matatandaang sinuspinde ang operasyon ng motorcycle taxis noong March, kung saan naantala ang pagtatapos ng pilot study nito noong April dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Gayunman, ipinagpatuloy pa rin ang pag-aaral nito habang tinatalakay sa Congress ang panukala para sa legalization ng motorcycle taxis bilang isa nang public utility vehicle.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page