Motorcade para sa ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’
- BULGAR
- Jun 2, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 2, 2023
Inaanyayahan natin ang ating mga kababayan bukas, araw ng Sabado, dahil magsasagawa kami ng motorcade sa iba’t ibang bahagi ng Maynila, Caloocan City at Navotas para sa teleserye naming ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’.
Magsisimula ang motorcade sa SM San Lazaro, Tayuman, Manila bandang alas-2 ng hapon at kasama natin ang lahat ng mga artistang kasali sa aming bagong teleserye na mapapanood sa GMA 7 tuwing araw ng Linggo sa ganap na alas-7:50 ng gabi.
Kasama sa float sina Beauty Gonzales, Max Collins, Tessie Tomas, Kate Valdez, Kelvin Miranda, Raphael Landicho, Angel Leighton, Niño Muhlach, Bembol Roco, ER Ejercito, Maey Bautista, Dennis Marasigan at Dennis Padilla na mamamahagi ng mga giveaways sa mapalad na mag-aabang sa motorcade.
Alam kong marami sa atin ang nakapanood ng dati at orihinal naming pelikula na ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ noong 1994 kung saan ang aking maybahay na si Cavite Cong. Lani Mercado-Revilla ang aking leading lady.
Blockbuster ang movie naming ito at hanggang ngayon ay madalas pa ring napapanood sa iba’t-ibang channel ng telebisyon, at marami pa rin ang natutuwa kaya nga gumawa kami ng remake ngunit hindi na ito pelikula kung hindi isang action-comedy na teleserye.
Magsisimula na ito sa Linggo, Hunyo 4, bago ang Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) at tiyak na magugustuhan ito ng ating mga kababayan dahil matagal na tayong hindi nakakapanood ng mga teleserye na makapagpapangiti sa atin.
Gagampanan ko pa rin ang pagiging isang pulis bilang si Major Reynaldo Bartolome at sa pagkakataong ito ay si Beauty Gonzales ang gaganap na aking maybahay bilang si Gloria at si Max Collins naman bilang si Elise na lalo pang magpapasaya sa aming teleserye.
Ang dating papel ni Tessie Tomas na tagapagdala ng mga maling sumbong at sulsol sa aking misis ay gagampanan naman ni Carmi Martin at ito ang madalas na nagpapahamak sa buhay ni Tolome, palayaw ni Bartolome sa maraming pagkakataon.
Kabilang din sa mga aabangan sina Kapuso stars Kate Valdez, Kelvin Miranda, at Raphael Landicho habang ipinakikilala naman dito ang Sparkle actress na si Angel Leighton.
Markado rin ang magiging papel nina Niño Muhlach, Bembol Roco, ER Ejercito, Maey Bautista, Dennis Marasigan at Dennis Padilla na magbibigay kulay sa ganda ng mga eksena sa teleseryeng ito.
Handog ng GMA Entertainment Group ang 'Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis' sa pamumuno nina Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable, Vice President for Drama Cheryl Ching-Sy, Assistant Vice President for Drama Helen Rose Sese, Senior Program Manager Camille Hermoso, at Executive Producer Lenie Santos.
Pinangungunahan nina creative consultant Jojo Nones, head writer Reggie Amigo, kasama rin ang mga manunulat na sina Liberty Trinidad, Jake Somera, at Loi Argel Nova na lahat ay bahagi ng creative team.
Markado rin ang role rito ng dating child star na si Niño Muhlach dahil siya naman ang pumalit sa dating role ni Jimmy Santos sa pelikula na isa ring pulis at sidekick ni Tolome na palagi ring kasama sa mga bulilyaso na kinasasangkutan ni Tolome.
Napakaepektibo ng role ni Beauty bilang si Gloria dahil bisaya ito sa totoong buhay at bagay na bagay sa tuwing siya ay nagagalit at sumisigaw ng “Tolomeeee!” na isa sa highlight ng teleseryeng ito na tiyak na aabangan ng marami nating tagasubaybay.
Matapat at matapang na pulis si Major Bartolome na aking ginagampanan ngunit sa isang tingin lang ng kaniyang misis na si Gloria ay tiklop agad dahil sa sobrang pagmamahal nito sa kaniyang asawa.
Isa pa sa talagang aabangan sa teleseryeng ito ay ang pagpayag ni Jeric Raval na gumanap bilang si Dodong na tauhan ni Scarface na ginampanan naman ni ER Ejercito na kilala rin sa tawag na Kamao dahil parehong pumayag gumanap na kontrabida sa direksyon nina Direk Enzo Williams at Associate Director Frasco Mortiz.
Lulan ng aming float ay mag-iikot kami mula SM San Lazaro at dadaanan ang ilang kalye sa Manila habang binabaybay ang mga kalsada patungong Navotas hanggang Caloocan City at magtatapos sa SM Grand Central sa Monumento.
Sa mga mag-aabang sa aming motorcade ay mamamahagi kami ng sombrero, T-shirt, posters, candies at iba pang may kaugnayan sa teleserye naming ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’.
Doble saya ang mararanasan ng mga manonood ng motorcade dahil may mga makikitang mga artista at may mga souvenirs pang makukuha, Abangan!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments