Motor at bike sa iisang lane, tablado
@Editorial | August 31, 2023
Ilang araw nang pinag-uusapan ang panukalang shared lane ng motorsiklo at bisikleta sa EDSA.
Kasunod ito ng kautusan na huhulihin na ang mga motorsiklo na gumagamit ng bike lane bagama’t hindi pa umano mag-iisyu ng ticket.
Hanggang kahapon ay isinantabi na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang plano na magkaroon ng iisang linya para sa mga motor at bike dahil sa kabiguang magkasundo ng grupo ng mga rider at cyclist.
Nangangahulugan ito na kailangang pag-aralan ang iba pang maaaring opsyon. Isa na umano ang pagpapatayo ng elevated walkway para sa mga nagbibisikleta, maging para sa pedestrians, upang mabawasan din ang trapik sa EDSA.
Una nang ipinatawag ang pag-uusap ng dalawang grupo dahil sa mga reklamo na maraming riders ang gumagamit ng bike lane, gayundin ang ibang motorista.
Mahalagang napakikinggan ang saloobin ng mga sangkot sa isang usapin. Sa pamamagitan nito, nababatid ang tunay na sitwasyon at nabibigyan ng mas mainam na solusyon ang problema.
Kung hindi ligtas para sa mga naka-bike ang paggamit ng mga nakamotor sa kanilang linya, dapat natin itong igalang, lalo na’t may iilan na talagang ‘kamote riders’ ang takbuhan. Sa kabilang banda, huwag din sanang binu-bully ang mga nakamotor na madalas ay gawain ng malalaking sasakyan.
Lahat ng motorista ay pantay-pantay, ano man ang estado sa buhay o dalang sasakyan, lahat ay may karapatan sa ligtas na lansangan. Ganundin, lahat ay may obligasyon na maging disiplinado at responsable.
Samantala, dahil tablado na ang hirit na shared lane ng motor at bike, umaasa tayo na wala ng pasaway na rider na mang-aagaw ng linya at sa mga cyclist naman na minsan ay inirereklamo rin dahil binigyan na nga ng sariling linya, hindi pa rin ginagamit, manatili tayo sa lane.
Sadyang may mga kakulangan at mayroong mga nagkukulang sa trapiko, kaya kailangang laging tutukan ng mga awtoridad, dapat pumagitna bago pa lumala.



Comments