Mosyon ni Garin, iba pa, ibinasura ng korte... Kaso ng Dengvaxia, tuloy
- BULGAR

- May 2
- 2 min read
by BRT @News | May 2, 2026

Photo: Janette Garin - House of Representatives PH
Inaasahang magtutuluy-tuloy na ang pagdinig sa matagal nang nakabinbing kaso hinggil sa Dengvaxia vaccine makaraang balewalain ng Quezon City-Regional Trial Court ang mga mosyon ng pangunahing akusado na si dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Congresswoman na si Janette Garin, kasama ang kanyang mga kapwa-akusado.
Sa kanyang kautusan na lumabas nitong Abril 28, ‘denied for lack of merit’ ang naging tugon ni Judge Michael Ken de Jesus ng Branch 102 sa mga motions to quash na isinampa ng mga abogado nina Garin na gustong ipabasura ang mga kaso laban sa kanila dahil anila’y may ‘double jeopardy’ na naganap.
Ayon sa kampo ng depensa, ang kasalukuyang 35 Dengvaxia cases ay walang ipinagkaiba sa unang batch ng walong mga kaso na nauna nang na-dismiss ng isang hiwalay na korte sa lungsod, kung kaya may double jeopardy.
Taliwas naman ito sa argumento ng prosecution panel na nagsabing ‘iba at hiwalay’ ang mga ito dahil ang may mahigit na 150 na kabataang mag-aaral na namatay umano dahil sa ipinagbawal na bakuna para sa dengue ay mga magkakahiwalay na binakunahan bukod pa sa mga iba’t iba nilang naging medical conditions.
Batid ng huwes na may batas na nagbibigay ng sapat na proteksyon para sa mga akusado na paulit-ulit na inaakusahan at sinasampahan ng iisa o parehong kaso lamang.
“But the doctrine was never meant to serve as a shield against accountability for separate acts of negligence committed against different victims at different times,” paliwanag nito.
“In sum, the attempt to shoehorn (‘to force to be included or admitted’) the Dengvaxia mass immunization program into the narrow confines of the Ivler doctrine is factually unavailing and legally untenable,” dagdag pa nito.
Inilarawan pa ni De Jesus na ang kaso ng Dengvaxia ay hindi puwedeng itulad sa kaso ng Jason Ivler v Modesto-San Juan dahil ang usapin dito ay sa isang vehicular incident lamang at hindi tulad sa una kung saan iba’t ibang lugar at oras ang pinangyarihan ng mass vaccination at maraming mag-aaral ang nabakunahan na nagpakita ng iba’t ibang kondisyong-medikal.
Giit pa ni De Jesus na ang motions to quash na isinampa ng kampo nina Garin ay hindi matatawag na bahagi ng isang mini trial o tamang lugar upang suriin ang anumang medical findings, timbangin ang opinyon ng mga eksperto at tukuyin ang dahilan ng pagkamatay.
Matatandaang sa pangunguna ni Garin, isinagawa ang nationwide mass vaccination noong 2015 kung saan umabot sa halagang P3.5 bilyon ang nagastos ng Department of Health para sa nasabing programa na agad pinatigil makaraan ang maraming batang nagkasakit at nangamatay ayon na rin sa mga paunang findings ng Forensics Laboratory Division ng Public Attorney’s Office (PAO), na pinamumunuan ni Atty.
Persida Rueda-Acosta, at iba pang medical experts.
Bukod kay Garin, ang mga akusado ay nagmula sa vaccine maker na Sanofi Pasteur Inc., vaccine distributor Zuellig Pharma at mga opisyal ng Research Institute for Tropical Medicine, Philippine Children’s Medical Center, and Food and Drug Administration.





Comments