Morant Vs. Garland sa bakbakan ng NBA Stars
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 21, 2022

Magsasama ang mga kasalukuyang superstar at mga alamat ng NBA sa taunang All-Star Game ngayong araw sa Rocket Mortgage Fieldhouse. Itataya ng Team LeBron at kanilang kapitan LeBron James ang perpektong 4-0 kartada laban sa naghahamon na Team Durant sa harap ng mga kasapi ng NBA 75th Anniversary Team na pararangalan kasabay ng laro.
Malaking bagay para kay James na maglaro sa Cleveland at kinuha niya sina Giannis Antetokounmpo, Stephen Curry, Nikola Jokic at DeMar DeRozan para samahan siya sa first five. Ang kanilang mga reserba ay sina Luka Doncic, Darius Garland, Chris Paul, Jimmy Butler, Donovan Mitchell, Fred VanVleet at Jarrett Allen sa gabay ni Coach Monty Williams.
Hindi nagpahuli ang Team Durant at kahit hindi maglalaro si kapitan Kevin Durant ay nandiyan sina Joel Embiid, Ja Morant, Trae Young, Andrew Wiggins at Jayson Tatum. Tatayong coach si kabayan Coach Erik Spoelstra at ang mga reserba ay sina Devin Booker, Karl Anthony Towns, Zach LaVine, Dejounte Murray, Khris Middleton, LaMelo Ball at Rudy Gobert.
Gaya ng mga nakaraang All-Star, may hiwalay na mananalo sa unang tatlong quarter at bibigyan ng donasyon ang napiling kawanggawa ng koponan. Dadagdagan ng 24 puntos ang kabuuang iskor ng nangungunang koponan at hindi na gagamit ng orasan sa fourth quarter at ititigil ang laro kapag may isang koponan na maabot ang itinakdang puntos.
Tinatayang 50 sa nabubuhay na alamat ang nagpahiwatig na dadalo sila sa parangal. Sa Cleveland din ginanap ang All-Star noong 1997 kung saan itinampok ang mga “50 Greatest Players” kasabay ng ika-50 taon ng NBA.
Dahil sa pandemya, isa sa pinakamalaking hindi darating ang 88-anyos na si Bill Russell na kilala sa hindi nawawala tuwing may All-Star. Kahit hindi matutumbasan ang kinang ng seremonya para sa 50 Greatest, tiyak na bibigyan ng nararapat na pagkilala ang mga alamat.
Mula noong 1997, pumanaw sina Kobe Bryant, Paul Arizin, Elgin Baylor, Wilt Chamberlain, Dave Debusschere, Hal Greer, John Havlicek, Sam Jones, Moses Malone, George Mikan, Dolph Schayes, Bill Sharman, Nate Thurmond at Wes Unseld. Pete Maravich noong 1988.





Comments