Morant, binuhay ang Grizzlies, Pelicans vs. Spurs sa Play-In
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 11, 2022

Pinatunayan muli ng Memphis Grizzlies na hindi biro ang malapit nang pagtatapos na may ikalawang pinakamataas na kartada sa buong NBA ngayong taon at dinikdik ang New Orleans Pelicans, 141-114, kahapon sa FedExForum. Ngayon ang huling araw ng regular season at hindi pa rin tiyak kung sino ang maghaharap sa Play-In Tournament na susundan agad ng Playoffs.
Hindi nakaporma ang Pelicans at umabot pa ng 43 ang lamang ng Grizzlies sa 4th quarter, 133-90. Umakyat ang Memphis sa 56-25 habang bumaba ang New Orleans sa 36-45.
Pitong Grizzlies ang gumawa ng 10 o higit na puntos sa pangunguna ni Ja Morant sa 21 puntos. Sinundan ng reserbang si Tyus Jones sa 20 puntos.
Aabangan ng Grizzlies sa Playoffs ang mananaig sa pagitan ng Minnesota Timberwolves at LA Clippers sa Play-In. Magtatapat din sa Play-In ang New Orleans sa San Antonio Spurs at ang magwawagi ay lalabanan ang matatalo sa Timberwolves at Grizzlies para harapin ang numero unong Phoenix Suns.
Ang nakakatakot sa Grizzlies ay patuloy pa rin ang kanilang tagumpay kahit nagpahinga ng may pilay ang All-Star na si Morant. Huli siyang naglaro noong Marso 18 sa 105-120 pagkatalo sa Atlanta Hawks at mula roon ay wagi ang Memphis sa pito sa siyam laro na lumiban ang matinik na guwardiya.
Hindi pa rin sumusuko ang Philadelphia 76ers na masungkit ang inaasam na 2nd place sa East at nanalo sa Indiana Pacers, 133-120. Tinulungan ng mga kakampi si Joel Embiid na magsumite ng 41 puntos upang makuha niya ang karangalan na may pinakamataas na puntos sa NBA ngayong taon.
Habang wala pang katiyakan ang paggaling ng pilay ni Stephen Curry, patuloy pa rin ang panalo para sa Golden State Warriors at binugbog ang San Antonio Spurs, 100-94.
Nakakagulat ang pangkalahatang numero ni All-Star Draymond Green na 12 puntos, 13 rebound at 8 assist upang suportahan sina Jordan Poole at Jonathan Kuminga na parehong may tig-18 puntos.





Comments