Mommy Caring, tatakbosa Sampaguita Stakes Race
- BULGAR
- Sep 7, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |September 7, 2022
Nagsaad ng pagsali si Mommy Caring sa magaganap na 2022 PHILRACOM Sampaguita Stakes Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa Linggo.
Inilabas ng Philippine Racing Commission sa kanilang facebook page ang mga nominado at nagdeklara ng pagsali sa event na may distansiyang 2,000 meter race.
Bukod kay Mommy Caring na pag-aari ni James Anthony Rabano, ang ibang nominado at naghayag ng paglahok ay sina Isla Puting Bato, O Sole Mio, Cam From Behind, Doktora at La Liga Filipina.
Nakatokang rumenda kay Mommy Caring si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jessie Basilio Guce sa karerang nakalaan ang P2-M guaranteed prize at mga babaeng kabayo lang ang maaaring sumali.
Suportado ng PHILRACOM sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ang karera, hahamigin ng mananalong kabayo ang P1.2-M, susungkitin ng second placer ang P450,000 habang tig-P250,000 at P100,000 ang 3rd at 4th ayon sa pagkakasunod.
Mag-uuwi rin ang breeder ng winning horse ng P100,000 habang P60,000 at P40,000 ang second at third.
Ayon sa mga komento ng karerista, magandang laban ang mapapanood nila dahil maliban sa malaking premyo ang nakataya ay mga dekalidad na kabayo ang lineup.
Nakaraang taon ay si Sky Shot ang nagwagi sa nasabing prestihiyosong karera. Si Princess Eowyn naman ang nakapagtala ng back-to-back Sampaguita Stakes Race champion noong 2019 at 2020.





Comments