Moderne Cong, naging malupit sa San Lazaro
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | April 5, 2022
Muling ipinakita ni Moderne Cong ang kanyang husay sa karerahan matapos manalo sa Condition Race Merged na inilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, kahapon.
Sinakyan ni dating Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie B. Guce, inirehistro ni Moderne Cong ang impresibong 1:30.2 minuto sa 1,400 meter race.
Dahil sa panalo ni Moderne Cong, nasilo ng winning connection ang added prize na P20,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nagsaya agad ang mga tagahanga ni Moderne Cong dahil single bet nila ito sa tinayaang pick 6 na may carry over na P266,389.48. "Nakatipid, solo ko Moderne Cong pick 6 kaya medyo masaya lusot sa single," saad ni Jimmy Baldonido, veteran karerista.
Dumating na segundo si Palibhasa Lalake, pangatlo si Concepcion habang pang-apat si Sky Dancer.
Nagpakitang-gilas din si Glorious Factor nang masilo ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na pinasibat sa pangalawang karera.
Nakapagtala ng tiyempong 1:31 minuto sa 1,400 meter race si Glorious Factor na sinakyan ni RM Ubaldo. Hinamig ni horse owner Aristeo Puyat ang karagdagang premyong P20,000 sa pagkakapanalo ni Glorious Factor. Segundo si Boss Mario, pangatlo si Static habang pumang-apat si Sayaw Kikay.





Comments