Moderne Cong bumida sa PHILRACOM RBHS
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | March 15, 2022
Walang kahirap-hirap na sinilo ni Moderne Cong ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga noong Linggo ng hapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sinakyan ni jockey AR Villegas, sumunggab agad ng unahan si Moderne Cong at kahit binubuliglig nina Top Grosser at Cats Wonderful ay nanatili sa unahan ang winning horse.
Pagsapit ng far turn ay unti-unting kumawala si Moderne Cong sa pagkakapit sa kanya ni Top Grosser. Pagdating ng huling kurbada ay limang kabayo na ang lamang ni Moderne Cong kay Top Grosser sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Sa rektahan ay parang nagdya-jogging na lang si Moderne Cong papuntang meta.
Inirehistro ni Moderne Cong ang tiyempong 1:36 minuto sa 1,500 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Leonardo Javier ang added prize na P5,000.
Pumangalawa si Kiss Muna habang pangatlo si Chef Cat. "Magaling na kabayo si Moderne Cong Pang stakes race ang performance," saad ni Joey Vicente, veteran karerista.
Samantala, masisilayan na ng mga karerista ang muling pagtatapat ng mahigpit naa magkaribal na sina Boss Emong at Super Swerte.
Nasa line up sina Boss Emong at Super Swerte sa magaganap na 2022 PHILRACOM "Classic Cup" race na pakakawalan sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite sa darating na Linggo.
Kapwa nagdeklara ng pagsali sina Super Swerte at Boss Emong sa distansiyang 1,800 meter race, sasakyan sila ng dalawang dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year Awardees, Jessie Guce at Jonathan Hernandez ayon sa pagkakasunod.





Comments