Miting nina P-Du30 at Marcos, wala pang iskedyul — Malacañang
- BULGAR

- May 24, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | May 24, 2022

Wala pang itinakdang pag-uusap kina Pangulong Rodrigo Duterte at presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan isang buwan pa bago magsimula ang susunod na administrasyon, ayon sa Malacañang.
“Wala pang sinasabi [ang Pangulo]. We will wait for further announcement,” pahayag ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar sa isang press briefing ngayong Martes. “I don’t have information on that and we could know more after the Cabinet meeting next week,” dagdag niya.
Ayon kay Andanar, inatasan na ni Pangulong Duterte ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na maghanda sa tinatawag na “professional” transition of power para sa susunod na administrasyon.
“Ang marching orders na ng Presidente 2 iyon – iyong una ay doon sa inauguration; pangalawa, iyong kani-kanyang transition ng iba’t ibang departamento or iyong mga Cabinet portfolios,” sabi ni Andanar. “So far, iyon lang naman ang transition orders na binigay sa amin. As to the mode of transition, we are given freehand,” aniya pa.
Una nang inanunsiyo ng Malacañang ang tungkol sa pagbuo ng “transition team” upang pangasiwaan ang pag-turnover ng gobyerno sa mga susunod na lider ng bansa. Subalit, ayon kay Andanar, ang transition team ay hindi pa rin nakikipag-usap sa mga representatives ni Marcos.
“Ang alam ko ay hinihintay pa natin ang official proclamation,” ani Andanar. Binanggit naman ni Andanar, walang ibinigay na komento si Pangulong Duterte hinggil sa mga napili ni Marcos na bubuo sa kanyang gabinete.
Kabilang sa mga napili ni Marcos sa kanyang gabinete ay sina presumptive Vice President Sara Duterte-Carpio, bilang Department of Education (DepEd) secretary; dating MMDA chief Benhur Abalos bilang Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary; dating spokesperson at abogadong si Vic Rodriguez bilang Executive Secretary, dating Aquino administration National Economic Development Authority (NEDA) chief Arsenio Balisacan na ibinalik din sa kanyang puwesto; Cavite Congressman Jesus Crispin Remulla bilang Department of Justice (DOJ) chief, dating Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Susan Ople bilang secretary ng Department of Migrant Workers at si Bienvenido Laguesma bilang DOLE chief.
“Kung anuman ang mga naka-schedule sa kalendaryo ng ating Pangulo, lahat ng mga opisyal na mga events, lahat ng mga dapat niyang i-meet, lahat ng mga dapat niyang pirmahan ay the President will manage the Executive Branch until June 30, 2022 at 12 noon,” saad pa ni Andanar.








Comments