Mister ni Marian, inaalok na raw… DINGDONG, 'DI FEEL MAGING VICE-MAYOR SA MAKATI
- BULGAR
- Jul 23, 2024
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 23, 2024

Nakausap namin ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes noong dumalo ito sa 40th Star Awards for Movies last Sunday sa Henry Lee Irwin Theater sa Ateneo University, kaya naitanong namin kung totoo ang umiikot na balitang kakandidato siya bilang vice-mayor ng Makati para sa 2025 elections.
May isang grupo raw ang kumausap kay Dingdong, kinukumbinse ang aktor na sumabak na rin sa pulitika dahil sikat na sikat siya ngayon at itinanghal na Box Office King dahil sa tagumpay sa takilya ng pelikulang Rewind na pinagtambalan nila ng kanyang misis na si Marian Rivera.
Well, maging sa telebisyon ay top-rated ang game show niyang Family Feud.
Kung tutuusin, kahit pa nga raw tumakbo si Dingdong na senador ay malaki ang chance niyang manalo. Pero, itinanggi na ni Dingdong ang balitang kakandidato siyang vice-mayor ng Makati, walang-wala raw sa plano niya ang sumabak sa pulitika sa darating na 2025 elections. Mas gusto niyang gugulin ang kanyang panahon sa piling ng kanyang asawa at mga anak na sina Zia at Sixto.
Bukod sa pamilya ay priority din ni Dingdong ang kanyang obligasyon sa grupo ng AKTOR.PH na kanyang pinamamahalaan.
Board Member din siya ng MOWELFUND o ang Movie Workers Welfare Foundation kung saan aktibo rin siya sa mga projects dito.
Ganunpaman, hindi naman isinasantabi ni Dingdong ang posibilidad na maging public servant. Sabi nga niya, darating ‘yun sa tamang panahon kung nakalaan para sa kanya.
Samantala, maraming blessings ang patuloy na dumarating ngayon kay Dingdong Dantes. Itinanghal siyang Best Actor sa katatapos na 40th Star Awards for Movies para sa pelikulang Rewind at nag-tie sila ni Alden Richards.
KUNG magtutuluy-tuloy ang pagganda ng kalusugan ni Kris Aquino, may posibilidad na makauwi na siya ng ‘Pinas sa September.
Sabik na rin si Kris na makita at makapiling ang mga kapatid at kanyang kaibigan, maging ang kanyang mga loyal fans and supporters.
Well, ang bulung-bulungan nga ay pursigidong gumaling si Kris at makauwi dahil ikakampanya niya ang kandidatura ni Bam Aquino.
Ilang kandidato na rin naman ang natulungang maipanalo noon ni Kris Aquino. May hatak pa rin siya sa mga botante at kung sino ang kanyang iendorso ay malakas ang chance na manalo.
MANINGNING ang ginanap na GMA Gala 2024, kung saan nagbigay din sila ng ilang Special Awards sa mga dumalong GMA artists.
Itinanghal na Hall of Fame awardees sina Marian Rivera, Heart Evangelista, Bea Alonzo at Dingdong Dantes.
Ang Sparkle Choice awardees naman ay sina Andrea Torres, Barbie Forteza, Sanya Lopez, Bianca Umali, Ruru Madrid at Kyline Alcantara.
Well, sina Kylie Padilla at David Licauco ang mga napiling Best Dressed stars. Panalung-panalo ang wet look ni Kylie.
Ang napili namang Couple of the Night ay sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, ganu’n din sina Ysabel Ortega at Miguel Tanfelix.
Mala-Hollywood red carpet ang pagrampa ng mga Kapuso stars.
Ang GMA Gala Night ay isang fundraising event ng Kapuso Network na taun-taon ay dinadaluhan ng mga GMA artists, ganu’n din ng kanilang mga newscasters, field reporters, radio announcers at ng mga executives. Ang malilikom sa fundraising na ito ay ido-donate sa Kapuso Foundation.
תגובות