Mister kinatay, misis at 3 anak kulong

ni Janice Baricuatro @News | October 13, 2026

Photo: File
Patay na nang matagpuan ang isang 57-anyos na vendor na may mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan sa Bagong Silangan, Brgy. San Nicolas 3, Bacoor City, Cavite, kamakalawa.
Kinilala ang biktimang si Manuel, habang kabilang sa mga inaresto ang kanyang 62-anyos na misis na si Marlyn at tatlo nitong anak na sina Margie, 24 (anak ng biktima at suspek); Marlon, 38; at Candy, 33 (kapwa anak ni Marlyn).
Batay sa paunang imbestigasyon, madalas umanong magtalo ang biktima at ang misis nitong suspek.
Bago ang insidente, nagkaroon umano muli ng pagtatalo ang dalawa hanggang makarinig ang isang saksi ng kalabugan at tila suntukan mula sa kanilang bahay.
Nang silipin ng saksi ang loob, nakita umano nitong nakahandusay sa kama ang biktima na duguan ang mukha. Binalaan pa umano siya ng mga suspek na huwag magsumbong at sabihing wala siyang nakita kaya sa takot ay una siyang nanahimik.
Nakita rin umano niya si Marlyn na naglalaba ng damit na may bahid ng dugo.
Nasa kustodiya na ng Bacoor City police ang mga suspek habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at awtopsiya sa bangkay na isinagawa sa kahilingan ng Cavite Provincial Forensic Unit.
Patuloy rin ang pulisya sa pagkuha ng mga posibleng kuha ng CCTV kaugnay ng krimen.





Comments