Mister, kaya ayaw nang patawarin… CARLA, MAY 3 DAHILAN DAW KAYA HINIWALAYAN SI TOM
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga | June 14, 2022

Dahil may gag order na nga ang Kapuso actor na si Tom Rodriguez at hindi na puwedeng magsalita tungkol sa hiwalayan nila ni Carla Abellana, ang mga loyal fans na lang ni Tom ang nagmamalasakit at dumedepensa ngayon para sa kanya.
Alam ng mga fans ni Tom ang pinagdaraanan ng kanilang idolo. At ang labis nilang ipinagtataka ay kung bakit naging pusong-bato si Carla? Hindi man lang daw nito binigyan ng chance si Tom na ipaliwanag ang kanyang side. Hindi rin nito binigyan ng halaga o konsiderasyon ang 7 years nilang pinagsamahan.
Tuloy, napapaisip ang mga tagahanga ni Tom kung totoong minahal nga ni Carla ang kanyang mister? Bakit sa isang pagkakamali lang ni Tom ay agad nang nagdesisyon si Carla na makipaghiwalay?
Well, hanggang ngayon ay isang malaking palaisipan sa lahat ang tunay na dahilan ng paghihiwalay nina Carla at Tom. Tatlong dahilan ang lumulutang ngayon.
Una, may third party sa side ni Tom Rodriguez na mismong si Carla ang nakahuli.
Pangalawa, ang isyung gay si Tom na hindi matanggap ni Carla.
At ang pangatlong dahilan ay may malaking halaga ng ipon nila ni Carla ang nagalaw ni Tom dahil sa pagsali niya sa isang partylist. Hindi raw nagpaalam si Tom kay Carla nang pakialaman ang kanilang savings.
Well, ayaw magsalita ni Carla Abellana sa totoong dahilan. Kaya, kani-kanyang espekulasyon ang publiko.
Maging ang malalapit na kaibigan at kamag-anak ni Carla ay ayaw nang makialam sa problema ng mag-asawa. At hindi nga maawat ang Kapuso actress nang magdesisyon itong mag-file ng annulment sa kasal nila ni Tom.
Samantala, kahit may pinagdaraanan sa personal na buhay si Carla, tuloy pa rin ang pagdating sa kanya ng mga product endorsements. Hindi niya pinababayaan ang kanyang career. Tumatanggap siya ng TV guestings sa ibang shows ng GMA-7 habang naghihintay ng bagong serye.
Isa si Carla sa mga magiging guests sa First Lady na pinagbibidahan nina Gabby Concepcion at Sanya Lopez. Maging sina Rabiya Mateo at Glaiza de Castro ay nakalinyang mag-guest sa First Lady.





Comments