Mister, inakusahang korup, ‘di nakatiis, nagsalita uli… MAINE: ‘DI KO KUKUNSINTIHIN SI ARJO!
- BULGAR

- Sep 11
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 11, 2025

Photo: Maine at Arjo / FIle
Hindi na nga kinaya ni Maine Mendoza ang mga below the belt na tira at pamba-bash sa kanila ng mister na si Cong. Arjo Atayde dahil sa pagsangkot dito sa isyu ng korupsiyon sa flood control projects.
Sa kanyang FB page, muling nag-post si Maine ng mahabang mensahe kagabi kung saan sinabi niyang na-realize niyang dapat ay nanahimik na lang muna siya kesa nagsalita upang ipagtanggol ang mister nang akusahan itong nakinabang sa flood control project ng gobyerno.
Mas lumaki kasi ang isyu at na-bash nang husto hindi lang ang mag-asawa kundi pati
ang kanilang mga kapamilya dahil sa pagtatanggol ni Maine kay Arjo.
Gayunpaman, idiniin ni Maine at muling pinandigan na malinis ang kunsensiya ng kanyang asawa at hindi ito nagnakaw sa pera ng bayan para gumanda ang buhay nila.
Kung totoo raw na may ginawang kasinungalingan at kalokohan si Arjo at mapatunayang guilty ito sa inaakusa sa kanya, hindi niya kakampihan o pagtatakpan ang asawa.
Well, sana nga ay mapatunayan ni Cong. Arjo ang maling akusasyon sa kanya at malinis niya ang kanyang pangalan dahil sayang ang magandang imahe at record na naitala niya sa showbiz at pulitika.
Not guilty daw sa flood control…
JINGGOY: KAHIT MAMATAY NA AKO AT BUONG PAMILYA KO!
DESIDIDO si Sen. Jinggoy Estrada na sampahan ng kasong libelo ang Bulacan 1st District asst. engineer na si Brice Ericson Hernandez na nag-akusa sa kanya na diumano’y tumanggap ng 30% kickback sa isang project sa 1st District ng Bulacan.
Sa panayam ni Karen Davila kay Sen. Jinggoy, nabanggit niya na marami ang nagpayo sa kanya noon na maging maingat sa kanyang pagpuna bilang aktibong bahagi ng Senate Blue Ribbon Committee. Easy target kasi siya upang ilaglag at sirain ang kanyang pagkatao. Vulnerable siya sa mga ibabatong issue dahil iuugnay ito ng kanyang mga detractors sa past issues ng kanyang political career na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong noon sa Camp Crame.
Naabsuwelto siya at napatunayan na wala siyang kasalanan. Ganunpaman, ito ang ginagawang bala ng kanyang mga kalaban.
Pero hindi niya hahayaan na sirain ng kahit sino ang kanyang pagkatao. Ipagpapatuloy pa rin niya ang kanyang tungkulin bilang isang senador dahil inihalal at pinagkatiwalaan siya ng milyun-milyong Pilipino.
Sumusumpa si Sen. Jinggoy na kahit mamatay siya at ang kanyang pamilya, hindi siya sangkot sa anomalya ng flood control project sa Bulacan. Gagawin niya ang lahat upang linisin ang kanyang pangalan.
Well, knowing Sen. Jinggoy Estrada, hindi siya basta na lang mananahimik kapag ang kanyang integridad ang sangkot.
Kasal nila ni Ryan, malabo na raw matuloy…
“LET IT GO. IT IS WHAT IT IS” - PAOLA
FINALLY, nagparamdam na rin ang ex-fiancée ni Ryan Bang na si Paola Huyong na
puwedeng konektado sa diumano’y pagkansela sa kanilang kasal.
Mukhang hindi na nga matutuloy ang inaabangan ng lahat.
Wala naman sigurong third party na involved at hindi rin pera ang dahilan kaya tinapos na nila ni Ryan ang kanilang relasyon kung totoo man.
Sa Instagram (IG), ishinare niya ang isang video kung saan sinasabing sa mga kamay na ng Diyos iasa ang lahat o ang magiging kapalaran ng kung anuman.
Maaaring tungkol ito sa kanilang kasal.
Sey sa clip, “Let it go. It is what it is.”
Well, may ilang nagsasabi na baka isa sa mga dahilan ng paglamig ng kanilang relasyon ay ang kawalan ng panahon ni Ryan Bang kay Paola Huyong dahil abala ito sa kanyang mga negosyo.
MARAMING netizens ang nagtataka kung bakit nananatiling tahimik si Rufa Mae Quinto matapos niyang makabalik sa Pilipinas. Kasama niyang dumating ang kanyang unica hija at naiuwi rin niya ang abo ng yumao niyang mister na si Trevor Magallanes.
Ibinigay kay Rufa Mae ng pamilya ni Trevor ang karapatan kung saan niya gustong ilagak ang abo ng kanyang mister.
Marami ang naghihintay at nag-aabang sa magiging pahayag niya tungkol sa sanhi ng pagkamatay ng dating mister.
Pero mukhang mananahimik na lamang si Rufa Mae at ayaw nang pag-usapan pa ang namatay na asawa. Ayaw na niyang pagpiyestahan pa ng media ang sanhi ng pagkamatay ni Trevor.
Kaya, hinihiling niya sa lahat na bilang respeto sa yumaong mister ay bigyan ito ng katahimikan at ipagdasal na lamang.
Nagluluksa pa si Rufa Mae sa pagpanaw nito, pero sisikapin niyang makapag-move on alang-alang sa kanyang anak na si Athena. Kaya, magbabalik-trabaho siya upang maitaguyod ang kanyang unica hija.








Comments