top of page

Misis na feeling meant to be sa ex-BF na laging nakikita

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 15, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 15, 2021



Dear Maestro,

May asawa na ako, pero halos palaging pinagtatagpo ng tadhana ang landas namin ng ex-boyfriend ko. Minsan ay hindi sinasadyang nagkita kami sa isang department store, pero hindi naman kami nagkuwentuhan at nagbatian lang. Ang akala ko ay nagkataon lang ‘yun, pero minsan ay may inasikaso akong mga papeles, nakapagtatakang sa ahensiya ‘yun ng gobyerno pala siya nagtatrabaho, kaya tinulungan niya akong maayos agad ang mga papeles at nagkakuwentuhan kami at doon ko nalaman na hiwalay na pala sila ng asawa niya.

Pagkatapos nu’n, kumain kami at kinuha niya ang number ko. Balewala na sa akin ‘yun dahil masasabi kong happy naman ako sa aking pamilya.

Ngunit ang hindi ko lubos maisip ay nang minsan namang magbabayad ako ng electric bill, ang haba ng pila at magla-lunch break na, kaya sa isip-isip ko ay parang hindi ako aabutin, nang may tumapik sa likuran ko at nandu’n pala siya, tapos may kakilala siya sa loob kaya madali ulit akong nakapagbayad ng bill. Kaya nang yayain niya akong mag-lunch, hindi ko na siya natanggihan pa.

Maestro, naniniwala ka ba sa soulmate? Kasi iniisip kong baka siya talaga ang soulmate ko, palagi kasi kaming nagkikita nang hindi sinasadya, pero paano naman mangyayari ‘yun kung may asawa at pamilya na ako?

Sa ngayon, ang laki ng sampalataya at pakiramdam ko na muli kaming magkikita at kapag nangyari ‘yun, alam kong hindi ko na maiiwasan pang itago ang dating damdamin ko sa kanya at aaminin kong mahal ko pa rin siya.

Sa palagay mo, Maestro, tama ba ang pakiramdam kong muli kaming pagtatagpuin ng tadhana at kapag nangyari ‘yun, may mabubuong relasyon sa aming dalawa, na siyang kinatatakutan kong mangyari? May 15, 1988 ang birthday ko at January 3, 1988 naman siya.


Umaasa,

Dianne ng Santo Cristo, San Antonio, Nueva Ecija

Dear Dianne,

‘Yan ang tinatawag na hiwaga ng pag-ibig, kung saan minsan, kahit alam ng mga taong umiibig na ilegal at napaka-immoral na ang gagawin o ginagawa nila, nagugulat sila dahil hindi nila mapigil ang intensity ng tumitindi at patindi pa nang patinding damdamin na tinatawag nilang pag-ibig.


At minsan, ang isa pang mahiwaga, kung saan ang dalawang taong halos gumagawa na ng kasalanan ay para bang nakikiayon pa ang panahon o sitwasyon sa hangal na pagmamahalan. Madalas, ang akala ng dalawang pusong gumagawa ng kasalanan ay itinatakda na mag-ibigan sila at kapwa sila magkasala.


Kaya ang tamang payo, Dianne, pigilin mo ang iyong damdamin kahit na muling dumating ang sitwasyong pagtagpuin na naman ng tadhana ang inyong landas.


Sa ganyang paraan, magagawa mong manatiling matuwid at naging mabuting babae para sa iyong asawa at mga anak.


Ang masakit lamang ay sadyang compatible talaga ang zodiac sign mong Taurus at Capricorn naman siya, gayundin ang birth date mong 15 at 3 naman siya. Ang mga ito ay nagsasabing kung hindi ninyo pipigilin ang inyong sariling damdamin at muling nakiayon sa inyo ang langit, masasabing hindi man soulmate na matatawag, para na ring sadyang itinakda kayo ng tadhana sa isa’t isa — sa isang mali, hangal, may kilig at nakakakaba, pero masaya at maaaring panghabambuhay na pag-ibig.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page